
Navy applicant nalaglag sa New Senate Bldg., patay
DEDO ang 24-anyos na Navy applicant nang umano’y mahulog sa itinatayong bagong gusali ng Senado noong Miyerkules sa Taguig City.
Napag-alaman na tubong Maguindanao Del Sur at nanunuluyan sa Naval Intelligence and Security Force (NISF) sa Fort Bonifacio, Taguig ang biktimang si alyas Reno, ayon sa mga pulis.
Ayon kay Taguig police chief P/Col. Christopher Olazo, alas-7:00 ng gabi nang nagmamadaling pumasok sa Gate 1 ng construction site ng New Senate Building (NSB) sa Chino Roces Ext. Brgy. Fort Bonifacio ang biktima papunta sa 3rd floor habang hinahabol ng kanyang kasamang cadet applicant din na si alyas James.
Ipinaalam ni alyas James sa security guard na sina alyas Lorenzo at alyas Lou ang pagpasok ng biktima kaya nirebisa ang kuha ng CCTV pero hindi mahanap ang Navy applicant.
Dakong alas-9:00 ng gabi nang makarinig ng malakas na kalabog ang mga guwardiya sa Material Recovery Facility (MRF) at nang mlaman ang pinagmulan ng kalabog nadiskubre ang wala ng buhay na katawan ng biktima.
Inaalam pa ng pulisya kung saang palapag nagmula ang biktima at kung tumalon ba o nahulog talaga ang biktima.