Default Thumbnail

Suspek sa pagdukot, pagpatay sa 2 tao tiklo

July 26, 2024 Jonjon Reyes 319 views

NAARESTO ng mga agents ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating inmate at Correction Officer na responsable sa umano’y pagpatay at pagkidnap ng dalawang tao sa Baesa, Quezon City.

Magkasunod na naaresto si Raymond David Reyes at Correction Officer I PIO Jonathan Aniero Eulalio.

Kinilala rin ang empleyado ng mga biktima na si Vergel Burata Olanda, na ngayo’y nasa kustodiya ng PNP-Anti-Kidnapping Group.

Sangkot ang mga suspek sa pagpatay kay Christian Razon Ortega at pagdukot kay Gloria Razon Ortega noong Hulyo 10.

Narekober ang bangkay ni Gloria sa tabi ng dump site sa talahiban sa Brgy. Sta. Cruz, Bay, Laguna.

Ayon sa mga nahuli, idea ni Olanda na nakawan at kidnapin ang dalawa.

Dinala ng NBI ang mga suspek para sa inquest proceedings sa Department of Justice para sa mga kasong robbery with homicide at kidnapping for ransom with homicide.

Iginiit ni NBI director Jaime Santiago na bandang alas-2:45 ng madaling araw noong Hunyo 10 sakay ang mga biktima ng L300 van sa L.R. Pascual St., Brgy. Baesa, Quezon City nang harangin ng itim na Fortuner sakay ang mga suspek sa harap ng Lucas R. Pascual Memorial Elementary School.

Tinangkang magmaniobra si Christian para makatakas ngunit pinaputukan sila ng mga suspek na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Pagkatapos, kinuha ng mga salarin ang pera ni Gloria na nagkakahalaga ng P100,000 at kinidnap na ang babae.

AUTHOR PROFILE