
Navotas inilagay na sa state of calamity
NAGPASA ng resolusyon ang Sangguinang Panlungsod ng Navotas na naglalagay sa siyudad sa state of calamity bunga ng pinsalang dulot ng habagat at bagyong Carina.
Sinabi ni Mayor John Rey Tiangco na inaprobahan ng buong miyembro ng Konseho ng Lungsod ang Resolusyong Panlungsod Blg. 2024-67 sa layuning magamit ng lokal na pamahalaan ang pondong nakalaan sa kalamidad na magpapadali sa pagkakaloob ng mga relief goods at mabilis na pagbangon ng kabuhayan ng mga apektadong residente.
Binigyang-diin ni Mayor Tiangco ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa lahat ng pamilyang apektado ng matinding baha sa lungsod.
Ayon sa alkalde ang kaligtasan at kagalingan ng mga residente ang kanyang ngayong prayoridad at ganap aniya silang nakatuon sa agarang pagkakaloob ng tulong sa kanyang mga kababayang Navoteños upang makabalik sa normal ang kanilang buhay.
Sa ngayon ay may 299 pamilya pa ang nasa evacuation centers na nasa iba’t-ibang barangay sa lungsod dahil sa high tide at panaka-nakang buhos pa rin ng malalakas na ulan na dahilan upang hindi pa humupa ang baha.