PAGASA

Bagyo palalakasin ng habagat

July 15, 2024 Melnie Ragasa-limena 241 views

PALALAKASIN ng habagat ang bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at Low Pressure Area( LPA) na nabuo sa Mindanao na posibleng magdala ng pag ulan sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa, isa ng LPA ang cloud cluster sa Mindanao na huling namataan sa Davao City.

Samantala, ang LPA na nasa labas ng PAR isa nang tropical depression na may taglay na lakas ng hangin na 45 kilometers per hour (kph) at bugso na 55 kph na kumikilos sa bilis na 25 kph.

Sa monitoring ng Pagasa, walang direktang epekto ang bagyo sa bansa subalit hahatakin nito palakas ang hanging habagat na magdadala ng pag uulan.

Sa forecast tract sa nasabing bagyo, patungo ito sa Vietnam.

Sinabi ni Pagasa weather specialist Obet Badrina na asahan ang pag uulan dala ng habagat sa malaking bahagi ng Mindanao, Western Visayas, Palawan, at Occidental Mindoro.

Apektado din ng monsoon rain ang Metro Manila, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Batangas, Cavite, Laguna at Bataan.