
Dancer, Shopee rider timbog sa P812K shabu, granada
CABANATUAN CITY–Timbog ang anim na tao, kasama ang club dancer at Shopee rider, sa buy-bust sa lungsod na ito at Cabiao na nagresulta sa pagsamsam ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P812,600 at granada noong Biyernes.
Isinagawa ito sa Purok Amihan, Brgy. Barrera dakong alas-11:35 ng gabi, ayon kay Nueva Ecija police chief Col. Richard Caballero.
Isang 35-anyos na babaeng club dancer ng Brgy. Maligaya, Cabiao, at kanyang live-in partner ang naaresto sa Brgy. Poblacion West 3, Aliaga, Nueva Ecija.
Nakuha sa dalawa ang walong sachet ng shabu na tumitimbang ng 55 gramo at nagkakahalaga ng P374,000.
Sa ikalawang drug sting sa Duhat Street, Villa Benita Subdivision, Brgy. Hermogenes Concepcion Sr. dakong alas-2:30 ng madaling-araw, nasakote ng pulisya ang isang 39-anyos na lalaki sa Purok 1, Brgy. Sapang, Jaen, Nueva Ecija.
Nakumpiska sa kanya ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000.
Sa ikatlong anti-illegal drug operation sa Brgy. Sto.Niño, Gapan City, natimbog ang tatlong lalaki – isang 56-anyos na Shopee rider, isang 34-anyos na laborer at isang 46-anyos na tricycle driver.
Nasamsam sa tatlo ang isang fragmentation grenade at 4.5 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P30,600.