Edd Reyes

Iringan sa pagitan ng dalawang Senador, malabo pang matuldukan

July 10, 2024 Edd Reyes 276 views

MALABO pang matuldukan ang iringan sa pagitan nina Senators Nancy Binay at Alan Peter Cayetano lalu na’t naghain pa ng reklamo sa Ethics Committee ang Senadora na nag-ugat sa pagbusisi sa lumobong pondo sa pagtatayo ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City.

Bagama’t handa naman daw si Cayetano na makipag-ayos kay Binay, hindi naman niya pinagsisihan ang binitiwang pananalita lalu na’t ilang ulit na rin niyang sinabi na hindi isang uri ng paghahanap ng anomalya ang pagbusisi sa lumobong pondo kundi para makahanap ng paraan para makatipid sa gastusin ngayong siya na ang Chairman ng Committee on Accounts…

Lumobo kasi sa P23.3 bilyon ang halaga ng gusali, bukod sa hindi makapagbigay ng dokumento ang DPWH hinggil sa gastos kaya nagpatawag ng pagdinig si Cayetano na dahilan para mapuwersa ang ahensiya na ibigay ang dokumento dalawang araw bago simulan ang pagdinig.

Naniniwala si Cayetano na kulang sa transparency at accountability ang ginawang paglalaan ng pondo sa pagtatayo ng bagong gusali na ikinairita ni Binay dahil siya pa noon Chairperson ng Committee on Accounts bago pinalitan ni Cayetano nang magpalit ng liderato ang Sena

At dahil si Cayetano na ang pinuno ng komite, nais niyang suriin kung bakit lumobo ang pondo sa pagtatayo ng gusali para matiyak kung wasto ang paggamit dito. Kaya lang, hindi naging maganda sa Senadora ang ginawang pagsusuri lalu na’t hindi naman kaila na may bangayan na noon pa man sa pagitan ng Makati at Taguig bunga ng agawan sa teritoryo.

Sa tingin natin, mahalaga ang papel dito ng Senado dahil kailangan ang isang tulad ni Cayetano upang patnubayan tayo tungo sa anumang aksiyon ng pamahalaan sa hinaharap na dapat ay tiwala sa halip na pagdududa.

Mga gumagamit sa pangalan ni MGen. Francisco, tutugisin ng CIDG

MAYROON na naman palang tutugisin si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director P/MGen. Leo “Paco” Francisco na gumagamit sa kanyang pangalan sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga itinayo na namang pergalan sa Laguna.

Galit na galit kasi si MGen. Francisco sa mga gumagamit sa kanyang pangalan para protektahan at kotongan ang mga operator ng ilegal na sugal dahil kahit noong siya pa ang Director ng Manila Police District (MPD), hindi nakaporma ang mga ilegalista.

Nakapaglatag kasi ang mga mesa ng ilegal na sugal ang mga operator sa mga bayan ng Paete, Cavinti, Magdalena, By, Sta Cruz, Brgy. Malinta sa Los Banos, Brgy. Banlic sa Cabuyao, Brgy. Sto Domingo at Brgy, Sto Tomas sa Binan, Brgy. Uno at Brgy. Dos, at maging sa Pacita Complex sa San Pedro sa lalawigan ng Laguna sa paniwalang protektado sila ng CIDG.

Kumpiyansa kasi ang mga operators na sina alyas “Mondo”, “Taguro”, “Josie”, “Tessie”, “Chris”, “Charlie”, “Lanie”, “Greg”, “Ken”,”Ronie”, “Judith” at “Nelma” na hindi sila pababayaan nina alyas “Den”, “Jack”, at “Adlawan”, na nagpapakilala raw na direkta sila sa CIDG.

Malamang na pinapatrabaho na ni MGen. Paco sa kanyang mga tauhan ang tatlong gumagasgas sa kanyang pangalan para lang makinabang sa ilegal na sugal.

Trabaho sa mga estudyante at mga dating OFW sa lokal na pamahalaan

NABIGYAN ng pagkakataong makapagrabaho sa lokal na pamahalaan ang may 22 benificiaries ng Navotas Government Apprenticeship Program (NGAP) habang pasok naman sa OFW Emergency Employment Program ang 24 na Navoteños na hindi na nakabalik sa kanilang trabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, nagsimulang magtrabaho sa lokal na pamahalaan ang mga estudyante at mga dating OFWs nitong Hulyo 2 na tatagal ng hanggang Nobyembre 29, 2024 na may sahod na P610. kada araw.

Sinabi ni Mayor Tiangco na ang pagbibigay nila ng oportunidad sa mga kabataan at pagsuporta sa mga dating OFWs ay hindi lamang upang bigyan sila ng pagkakakitaan kundi upang mahasa ang kanilang kakayahan at makapag-ambag sa paglago ng kabuhayan at ekonomiya para sa matatag na lungsod.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE