
Koreanong football player nadukutan sa BGC
VIRAL ngayon ang pandurukot sa Korean professional football player na madalas purihin ang Pilipinas dahil sa magandang pag-uugali ng mga Pinoy.
Inilahad ni Yi Young Park sa kanyang Instagram na habang naglalakad siya sa One Bonifacio St. ilang araw na ang lumipas anim na babae ang sumabay sa kanya at tatlo rito ang nasa unahan na tila inaantala ang kanyang paglalakad, habang tatlo naman ang dumidikit sa kanyang likuran.
Nang biglang humiwalay ang mga babae, naghinala siya na may hindi magandang ginawa ang mga ito.
Nang suriin niya ang kanyang bag, bukas na ito at wala na ang kanyang wallet na naglalaman ng salapi at mga identification cards.
Dahil nakikita pa niya ang pagmamadaling makalayo ng grupo, kaagad niyang hinabol ang mga ito pero naghiwa-hiwalay kaya’t dalawa lamang ang kanyang inabutan.
Itinanggi ng dalawa na may kinuha sila sa biktima at sa halip, nagalit at gumawa pa ng eksena, kaya’t humingi siya ng tulong sa mga security guard pero tumanggi itong tulungan siya.
Patuloy niyang hinabol ang tumalilis na dalawa hanggang sinabi ng isa na ibalik na ang kanyang wallet para tumigil na sa paghabol.
Napilitan ang isa na ibalik sa kanya ang wallet at upang mayroon siyang ebidensiya, kinuhanan niya ng video ang dalawang tumatakas na babae bago niya natuklasan kalaunan na kulang na ng malaking halaga ang laman ng kanyang wallet.
Ayon kay Southern Police District Public Information Office (SPD-PIO) head P/Maj, Hazel Asilo, hindi na nai-report sa pulisya ang insidente dahil BGC marshal na umano ang umasikaso sa dayuhan.