
4 na suspek sa pagpatay sa beauty contestant, Israeli bf hawak ng PNP
HAWAK na ng Philippine National Police (PNP) ang apat na ‘persons of interest’ sa kaso ng pagpatay sa beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend nito.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, tatlo sa mga naaresto ay may significant involvement sa nagyari sa magkasintahan.
Ang isa ay naaresto noong July 6 at tumatayong middleman na real estate agent at huling nakatagpo ng mga biktima bago sila iulat na nawawala.
“‘Yung isa po dito na naaresto natin noong July 6 ay ito po ‘yung tumatayo na middleman na real estate agent na huling kinatagpo po ng ating mga biktima bago po sila naulat na nawala,” pahayag ni Fajardo.
“At itong isa po ay may malaki ring partisipasyon dito sa nangyari sa mga biktima. Pati na rin po ‘yung isang naaresto ay malaki po ang involvement dito sa kaso na ito. Yung tatlo po nating nearesto, malaki po ang involvement dito po sa kaso na po ito,” dagdag ni Fajardo.
Nakakumpiska din ng mga baril at granada ang PNP nang pasukin ng mga ito ang bahay ng middleman .
Ang mga nakumpiskang granada ay sasailalim sa cross-matching at ballistic examination upang malaman kung ito ang ginamit sa pagpatay sa dalawa.
Kinumpirma din ni Fajardo na planado ang pagpatay sa biktima at boyfriend nito na si Yitshak Cohen.
Matatandaan na huling nakitang buhay ang mga biktima noong June 21 patungo s Capas, Tarlac upang tumingin ng bibilhing lupa.
Ilang araw matapos na iulat silang nawawala ay natagpuan ang kanilang bangkay nitong Sabado sa isang quarry site sa Barangay Sta Lucia , Capas , Tarlac.
Batay sa autopsy reports, si Lopez ay nagtamo ng tama ng bala sa likod at hita habang si Cohen ay binaril sa dibdi at malapit sa kili-kili.
Nilinaw naman ni Yaniv, kapatid ni Cohen na nagpunta ang kanyang kapatid sa Tarlac hindi para bumili ng lupa kundi para kunin ang titulo ng lupang bilang collateral sa pinautang niyang tao. Nina ZAIDA DELOS REYES & ALFRED DALIZON