Angeline

Angeline na-stress sa pagkakaroon ng gestational diabetes

July 6, 2024 Vinia Vivar 463 views

Nalungkot at na-stress si Angeline Quinto nang malaman na mayroon siyang gestational diabetes.

Siyempre, ang una niyang inalala ay baka makaapekto ito sa second baby nila ni Nonrev Daquina na kasalukuyan niyang ipinagbubuntis.

Sa kanyang latest vlog ay ibinahagi ng OPM singer kung paano niya natuklasan ang kanyang sakit at kung ano ang kanyang naging sumunod na hakbang.

“Nakausap ko ‘yung OB (obstetrician gynecologist) ko, si Dr. Shirley and ipinaliwanag niya sa akin ‘yung mga naging result ng lab (laboratory) tests na ginawa ko yesterday,” kwento ni Angeline.

“And nakakalungkot kasi nga, meron daw akong gestational diabetes. So parang sabi ko, ‘dok, ano ‘yun?’ sabi ko, ‘sa’n ko nakuha ‘yun kasi nu’ng nanganak naman ako kay Sylvio (first baby nila ni Nonrev), wala naman po akong ganu’n,’” dagdag niya.

Sinabi raw sa kanya ng doktor na maaaring sa lifestyle o sa pagkain niya kaya siya nagkaroon ng gestational diabetes.

Aminado si Angeline na talagang hindi niya nakontrol ang pagkain niya lately.

“Aminado naman ako na parang medyo wala akong kontrol ngayon kasi nga ang dami ko ring ginagawang work, out of town tapos dito sa Manila,” saad niya.

Sinabihan din siya ng doktor na baka makaapekto ito sa dinadalang baby kaya nagdesisyon siya na baguhin ang kanyang lifestyle at ang kanyang pagkain.

“Nakakalungkot lang kasi sabi niya na pwedeng makaapekto kay baby, so parang kailangan ko na talagang magbago ng lifestyle, guys. Parang ayokong kinakain ko lahat ‘yung gusto ko, pero hindi dapat.

“Kailangan nating magbago, Diyos ko! Ang lakas ko kasi sa kanin, ano ba ‘yan?!” aniya.

Ang una siyempre niyang tatanggalin sa kanyang pagkain ay ang kanin.

“Kaya naman natin ‘yan basta disiplina lang at siyempre, para kay baby talaga,” sey niya.

“Stressed ako,” sambit pa niya.

Sa mga sumunod na bahagi ng video ay ipinakita ni Angge ang mga pagbabago sa kanyang pagkain. Ipinakita niya rin ang pag-monitor niya ng kanyang sugar at the end at mababa naman ito kaya na-happy ang singer na tama ang ginagawa niyang pagda-diet.

AUTHOR PROFILE