
Apurahin ang pagbabago ng anyo ng edukasyon
ANG pangunahing layunin ng edukasyon sa paaralan ay lumikha ng mga kalalakihan at kababaihan na may kakayahang gumawa ng mga bagong bagay. – Jean Piaget
Sa pag-uumpisa ng bagong taon pampaaralan ngayon Hulyo 2024, naghirang ang Pangulo Bongbong Marcos ng bagong Kalihim ng Edukasyon. Umaasa ang marami na masisimulan na ang pagbabago ng anyo ng edukasyon na itinatag ng mga Amerikano mahigit 100 taon na ang nakalipas, na akma sa pangangailangan ng mga dambuhalang negosyo ng mga manggagawang kabisote na magpapatakbo ng makina sa mga paktori, sasagot ng telepono at magmamakinilya na hinihingi ng una, ikalawaat ikatlong rebolusyon industriyal na nagsimula noon ika-18th siglo at umabot sa ika 20th siglo. Ang pagbabagong ito ay kinakailangan apurahin sapagkat ang kakayahan na kailangan matutuhan ng estudyante upang magtagumpay ngayon sa 21st siglo na pinaghaharian ng ika-apat na rebolusyon industriyal na pinapakilos ng teknolohiyang digital ay malaki ang pinagkaiba sa nakalipas na panahon. Malaki ang magiging kasalanan sa bansa ng bagong Kalihim ng Edukasyon kung papanatiliin lang niya ang kasalukuyang sistema ng edukasyon na pabor sa mgadinastiyang pulitikal.
Ang Cognitive Learning Theory ni Jean Piaget ay nagmumungkahi na ang pag-aaral ay resulta ng mga proseso ng pag-iisip na na iimpluwensyahan ng panloob at panlabas na mga salik. Halimbawa ng panloob na salik ang paniniwala ng indibidwal na mapapabuti pa niya ang kanyang kakayahan,t alino at galing (growth mindset).
Ang mga panlabas na salik ay maaaring isang guro na sumusuporta ng wagas sa estudyante, o isang ligtas nakapaligiran sa paaralan.
Ang pananaliksik mula sa US National Training Laboratories Institute ay nagpakita na ang ilang mga pamamaraan sa pagtuturo ay mas epektibo kaysa sa iba. Ang mga “passive teaching methods” ay mababa ang pagpapanatili ng impormasyon sa bata: lecture 5%, reading 10%, audio visual 20%, demonstration 30%. Ang participatory teaching methods na may 50% o higit pang retensiyon ng impormasyon ng mga mag-aaral ang : talakayan ng pangkat 50%, aktuwal na praktis ng konsepto75% at pagtuturo ng nalaman sa iba 90%.Lumalabas dito na ang mga gawain sa paaralan na gagamitan ng participatory teaching methods ang dapat bigyan ng mas malaking espasyo at oras sa Matatag kurikulum.
Hindi nakapagtatakang kulelat ang Pilipinas sa bagong “creative thinking assessment” ng PISA 2022 sa 64 na bansa na lumahok dito. Ang 15 taon gulang na mga mag-aaral ay nakakuha ng “average” na 14 mean score na mas mababa sa average na Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) na 33. Ang mga mag-aaral sa Pilipinas ay nananatiling kabilang sa pinakamahina sa mundo sa matematika, pagbabasa at agham sa PISA 2022 , at ang kabuuang marka ng Pilipinas ay hindi nagpapakita ng makabuluhang pag-angat mula sa mga marka sa PISA 2018. Samakatuwid, ang lahat ng ito ay tugma sa EDCOM 2 Year 1 Report MISEDUCATION: the Failed Philippine education system na tinuturing kong isang “mea culpa” o pag-amin na bigo ang sistema ng edukasyon na maihanda ang mga bata na lumikha ng mgabagong bagay (Piaget).
Ipinaliwanag ng OECD na sinukat ang malikhaing pag-iisip ng mga mag-aaral dahil halos lahat ng mga bansang kalahok sa PISA ay itinuturing ang pagkamalikhain bilang isa sa inaasahang resulta ng sekondaryang edukasyon. Ang katuturan ng malikhaing pag-iisip ay, “kakayahan na magbuo, magsuri at mapabutiang mga ideya na maaaring magresulta sa orihinal at epektibong mga solusyon, pagsulong sa kaalaman at maimpluwensyang pagpapahayag ng imahinasyon.”
Aporong pilak ng PISA 2022 ang humigit-kumulang 78% ng ating mga mag-aaral ay sumang-ayon o lubos na sumang-ayon na sila ay “mahilig matuto ng mga bagong bagay sa paaralan,” habang hindi bababa sa 71% ang sumang-ayon o lubos na sumang-ayon na sila ay “mausisasa maraming bagay.” Samakatuwid, mausisa ang mga batangunit pinapatahimik sila ng sistema ng edukasyon.
Apurahin ang pagbabago ng anyo ng edukasyon. Ang masiglang talakayan gamit ang unang wika ng bata sa loob ng silid paaralan ay tanda na may nagaganap na malikhaing pag-iisip sa loob nito.