Arestado ARESTADO – Swak sa selda ang tricycle driver na natimbog ng mga operatiba ng Manila Police District, makaraang magsumbong ang menor de edad na biktima nito sa pangmomolestiya sa Sta. Cruz, Manila.

12-anyos minolestiya ng tricycle driver, 30

June 11, 2024 Jonjon Reyes 373 views

KULUNGAN ang kinahantungan ng isang 30-anyos na tricycle driver na natimbog ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) makaraang magsumbog ang isang 12-anyos na biktima ng pangmomolestiya.

Kalaboso ang tricycle driver dahil sa kasong acts of lasciviousness at paglabag sa Republic Act 7610, o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Ang suspek ay nakilalang si alyas “Persibal,” binata at residente ng Tondo, Manila.

Batay sa ulat ni Police Lt. Col. Leandro Gutirerrez, hepe ng MPD-Sta. Cruz Police Station, bandang 11:30 nang maganap ang insidente sa panulukan ng Antipolo at Makata Streets, Sta. Cruz, Manila, Lunes ng gabi.

Habang bumibili ng fish ball ang menor de edad na biktima sa kahabaan ng Antipolo Street ay nilapitan siya ng suspek sakay ng kanyang tricycle at sinabihang sumama sa kanya dahil ang lolo nito ay naka-confine sa Ospital ng Tondo.

Sumama ang biktima at sumakay sa tricycle. Habang patungo sila sa nasabing ospital ay biglang hininto ng suspek ang tricycle sa madilim na eskinita at dito na ginawa ang kahalayan.

Habang ginagawa ito ay pinagbabantaan ng suspek ang menor de edad na biktima gamit ang matalim na nakatutok na susi, kapag hindi ito sumunod sa gusto ng suspek.

Matapos ang pangyayari ay ibinaba ng suspek ang biktima sa Antipolo Street at saka pumasok ang biktima sa kanyang bahay. Dito na ikinuwento ng biktima sa kanyang pamilya ang sinapit niya.

Kaagad namang nagtungo ang mag-ina sa malapit na estasyon ng pulis at nagsumbong kaya’t agad na kumilos ang mga awtoridad. Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakatimbog sa suspek.

AUTHOR PROFILE