LTO

Impounded vehicles kailangan ng court order bago i-release ng LTO

June 11, 2024 Jun I. Legaspi 446 views

MAS pinatindi ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya laban sa mga colorum na sasakyan sa pamamagitan ng pagdaan sa korte ang pag-release ng mga na-impound na sasakyan kahit na nagbayad na ng multa ang may-ari.

“Masyado nang matagal at malalim ang problema sa ilegal na operasyon ng colorum vehicles sa ating bansa.

Kailangan na nating magpatupad ng mas mabigat na kaparusahan tungkol dito upang maipakita sa mga taong patuloy na nilalabag ang batas na seryoso ang ating pamahalaan upang tapusin ang modus nila,” ani LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza.

Nauna nang sinabi ng mga transport groups na nawawalan sila ng 30% ng kanilang kita araw-araw dahil sa operasyon ng colorum vehicles.

Pribadong sasakyan ang colorum na kumikilos bilang public utility vehicle kadalasan para kumita ng pera, nang hindi sumusunod sa mga legal requirements.

Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang namamahala sa mga permit para sa mga sasakyang gagamitin bilang PUVs.

Bagamat karaniwang matatagpuan ang mga colorum vehicle sa mga liblib na lugar at probinsya, tumaas ang bilang ng mga colorum vehicle sa Metro Manila at mga kalapit na lugar kamakailan lang.

“Simple lang po ito: May mga regulasyon patungkol sa operation ng public utility vehicles.

Kung hindi po ito sinusunod, maliwanag na iligal po ang operasyon nito and this is equivalent to committing a crime.

Kaya may karampatang parusa at multa dito,” ani Mendoza.

“At kasama sa parusa dito ang pagpapatupad natin ng no release policy for all vehicles that would be impounded in anti-colorum operations,” dagdag niya.

Sa isang memorandum na inilabas sa lahat ng Regional Directors, District Office heads at chiefs ng LTO units, ipinaliwanag ni Assec Mendoza na ang mga kasong kriminal dapat isampa sa bawat successful anti-colorum operation.

“Pending the criminal case, the unit should not be released without a court order as the vehicle is part of the evidence of the crime. Releasing the vehicle is tantamount to Infidelity in the Custody of Evidence,” dagdag niya.

Inatasan din ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista ang LTO na paigtingin ang operasyon laban sa colorum vehicles batay sa mga reklamo at paghingi ng tulong ng transport groups.

AUTHOR PROFILE