
P23B Senate budget, transfer sa Taguig ‘di lulusot kay SP Chiz
REREPASUHIN ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kung bakit lumobo ang alokasyon ng budget ng Senado mula sa P8.9 billion sa P23 billion at hindi din matutuloy ang nakatakdang paglipat ng Senado sa bago nito building sa Taguig City.
Sinabi ng Senate president na hindi siya komportable sa iniakyat ng budget ng Senado at tiniyak na isang comprehensive review ang gagawin ng kanyang liderato dito.
“Hindi totoo na makakalipat tayo sa bagong gusali, lupa at building ng Setyembre. Hindi rin totoo na aabot tayo makalipat bago matapos ang taon.
Kahit hanggang 2025, sa palagay ko hindi pa rin dahil marami pang bagay na kailangang ihanda at maraming bagay din na aming nakita at nagisnan na kailangan pang suriin at pag-aralan,” giit ni Escudero.
Matatandaan na P8.9 billion ang naunang inaprubahan na alokasyon na budget ng Senado.
Hindi aniya napapanahon at sobrang mabigat at hindi makatarungan lalo’t napakaraming naghihirap na kababayan natin.
Inatasan ni Sen. Escudero si Sen. Alan Peter Cayetano na siyang mag rerebisa sa mga importante at dapat pag aralan ng maige upang masigurong may quality at maintindihan kung ano pa ang mga dapat ikonsidera sa nakatakdang paglipat ng Senado sa Taguig City.
Ayon pa kay Escudero, napagdesisyunan niya ang bagay na ito matapos makatanggap ng detalyadong ulat at rekomendasyon noong Biyernes mula kay Sen. Cayetano mismo.
Sa report na isinumite ni Cayetano, inilahad nito ang ilan sa mga kritikal na isyu tulad ng biglang talon ng alokasyon na budget mula P8.9 billion na sumampa na sa P23.3 billion ngunit wala pang konkretong paliwanag sa kasalukuyan.
Sa report ni Cayetano, ipinaliwanag nitong ang DPWH ang siyang hihingan ng tulong at opinyon ng Senado tungkol sa bagong Senate building na proyekto ng HillMarc’s Construction Corp.