
Pangarap ng Mentorque produ, tinupad ni Ate Vi
MATUNOG na pinag-uusapan ngayon sa showbiz ang napipintong muling pagsabak ni Vilma Santos sa pelikula matapos kumalat online ang pagkikita nila ng Mentorque producer na si Bryan Dy kasama ang mag-partner na sina Direk Dan Villegas at Direk Antoinette Jadaone ng Project 8 Projects.
Ilang fans at supporters nga ng Star for All Seasons ang na-excite nang unang mapabalita na ilalaban sa Metro Manila Film Festival 2024 ang big screen comeback na ito ni Ate Vi.
Pero ayon sa Mentorque produ, mukhang malabo itong mangyari dahil may iba nang entry ang film outfit para sa MMFF sa Disyembre.
Isa pa, katatapos lamang nilang mag-meeting nina Ate Vi, Direk Dan at Direk Antoinette at kailangan munang daanan ng premyadong aktres ang kakaibang script na inihain nila sa kanya.
Ganunpaman, aminado si Bryan na maging siya ay excited sa nasabing proyekto.
Dagdag niya, nasa bucket list niya ang pakikipagtrabaho kay Ate Vi sa isang pelikula.
Anyway, nasa regulasyon nga ng MMDA at MMFF execom na isang pelikula lang per production company ang pwedeng i-submit sa taunang pestibal.
Ang pelikulang Biringan ang napipisil ng Mentorque bilang entry pero wala pang maibigay na detalye si Bryan kung sino ang magbibida rito at magdidirek.
Oras na makumpleto ang casting at director, siniguro niya na magkakaroon sila ng malaking announcement gaya ng nangyari kay Piolo Pascual, na nagbida naman sa critically acclaimed 2023 MMFF entry nilang Mallari.
As we all know, nakapag-uwi na ng maraming tropeo ang Mallari mula sa iba’t ibang award-giving bodies, kabilang na ang dalawang beses best actor trophies ni Piolo mula sa Manila International Film Festival at sa katatapos na Box-Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF), Inc.