
Memoryal ipagdiriwang ng Saksi ni Jehova sa Marso 24
MILYON sa buong mundo ang magtitipon sa paglubog ng araw ng Marso 24, 2024, para alalahanin ang kamatayan ni JesuKristo.
Itinuturing na pinakamahalagang araw ng taon para sa mga Saksi ni Jehova, ang Memoryal ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing Nisan 14 ng kalendaryong Judio bilang pagsunod sa utos ni Jesus na makikita sa Lucas 22:19, “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Bagaman mahigit 8.6 milyon ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, halos 20 milyon katao naman ang dumalo sa pagtitipon na ito noong nakarang taon.
“Sa buong mundo, maraming tao na hindi Saksi ni Jehova ang dumalo sa Memoryal. Umaasa kami na ang mga miyembro ng aming lokal na komunidad ay makikiisa rin sa amin sa pag-alaala sa kamatayan ni Jesu-Kristo para maipakita ang pasasalamat sa kaniyang ginawang sakripisyo.” ang sabi ni Melchor Basalo, ang tagagsalita ng mga Saksi ni Jehova. “Bagaman ito ay seryosong okasyon, ito rin ay isang masayang pagtitipon.”
Ang isang oras na pagtitipong ito ay magtatampok ng isang pahayag na magbibigay-diin sa kahalagahan ng naging kamatayan ni Jesus at ano ang ibig sabihin nito para sa buong sangkatauhan.
Sa Metro Manila, isang espesyal na kampanya ang ilulunsad simula Marso 2024 para imbitahan ang lokal na mga residente na dumalo sa taunang obserbasyon ng Hapunan ng Panginoon gayundin ang espesyal na pahayag pangmadla na gaganapin isang Linggo bago ang Memoryal.
Ang espesyal na pahayag na may titulong “Ang Pagkabuhay-Muli – Tagumpay Laban sa Kamatayan!” ay ihahatid sa lokal na mga Kingdom Halls sa weekend ng Marso 16 at 17, 2024. Ang 30-minutong salig-Bibliyang pahayag pangmadla ay magbibigay-pansin sa makakasulatang pag-asa ng pagkabuhay-muli ng mga patay sa hinaharap.
Sinabi ni Aaron at Jenny Cabauatan: “Inaabangan ng pamilya ko ang espesyal na pahayag at ang Mermoyal buong taon. Ang parehong pagititpon ay praktikal at nakapagtuturo, pero tumutulong din ito sa atin na huminto at pag-isipan ang lahat ng bagay na ipinagpapasalamat natin, mga bagay na itinuturing nating pagpapala mula sa Diyos.”
Para matuto ng higit tungkol sa kung paano inaalaala ng mga Saksi ni Jehova ang Hapunan ng Panginoon, pakisuyong pumunta sa Frequently Asked Questions page ng imbitasyong ito na makikita sa jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova.
Para sa higit na impormasyon tungkol sa 2024 Memoryal at espesyal na pahayag at kung paano umattend, pumunta sa jw.org.