
Delta variant proclamation rally’
MARAMI sa ating mga kababayan ang nabibiktima ng fake news nitong mga nakaraang araw.
Nagsuguran sa mga vaccine center sa Las Pinas, sa mga malls sa Maynila at sa Araneta Coliseum ang mga mapaniwalain sa fake news tungkol sa puwede ang walk in sa mga magpapabakuna at no vaccine no ayuda.
Sa totoo lang, hindi naman mahirap malaman kapag fake news dahil unang-una, hindi lumabas sa official FB page ng mga lokalidad at lalong hindi lumabas sa mga legitimate website ng mga news outfit.
Ang karamihan sa mga nagsuguran, simpleng “what’s on your mind” lamang o nasa mga wall ng mga taong walang magawa sa buhay.
Lahat ng klaseng komunikasyon ay mayroon na tayo, social media, text messages at mga official public hotline mg mga lokalidad, napakadali namang mag-verify kung totoo ang inyong mga nababasa.
Sa isang banda, kailan pa naging reliable source ng official statement ang FB page ng kung sinu-sino? Talaga lang napakarami sa ating mga kababayan ang basta na lang naniniwala sa kanilang mga nababasa kahit saan!
Bago man lang sana kayo sumugod kung saan-saang malls, doon muna sana sa mga pinakamalapit na barangay hall nyo or sa mga munisipyo kayo magpunta para magtanong.
Kaya nga nag-ECQ ang gobyerno para magdiborsiyo muna tayong lahat pero dahil sa pinaniwalaan n’yong fake news, halos magkapalitan na kayo ng mukha kaya parang proclamation rally ni Boy Delta Variant ang inyong dinaluhan.
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga taong ito na iyong iba naman, mukhang may pinag-aralan or may kaya sa buhay. Ang duda ko rin, baka naman pulitika na ang lakad ng iba sa mga sumugod.
Baka naman concerted effort ito ng mga kakandidato sa eleksiyon at inutusan ang kanilang mga lider na mag-ipon ng tao para sumugod sa mga vax site. Anong logic? Simple lang, kapag nagkaroon ng kaguluhan sa isang lokalidad dulot ng hindi makontrol na tao, ang masisisi ay ang nakaupong alkalde.
Pambihira, kahit anong maisipan ay gagawin kahit ilagay sa peligro ang mga kababayaan natin at ang buong bansa dahil sa delta variant na yan.
Ang panawagan natin sa mga kababayan natin, aba’y huwag naman kayong magpauto sa mga pulitiko at huwag din magpaalipin sa mga fake news para hindi na kumalat ang kinatatakutan nating virus.
Mag-isip, magtanong at mag-berepika bago ka sumugod.