Allan

‘They can compete but they cannot win’

February 28, 2024 Allan L. Encarnacion 353 views

NASA hot water ang Miss Universe pageant organizer dahil sa kumalat na video ng kanilang business meeting.

Ang diskusyon sa leaked video ay sumentro sa “inclusive campaign” o iyong pagpapasali sa Miss U pageant ng mga may asawa, transwomen, mga diborsiyado at kahit lagpas na sa age requirement.

Lumilitaw sa meeting na ang ganitong social inclusion sa lahat ng mga interesadong sumali ay kabilang lamang sa “communication strategy” para makaatrak ng mas maraming participants at magkaroon ng mas malawak na following, wider audience at global commercials.

Ang pamosong linya sa meeting ay ang “they can compete but they cannot win” ang ikinagalit ng maraming nakapanood ng ng video na nagmula pa mismo sa owner/organizer ng Miss U pageant.

Ang tanong natin ngayon ay may bago ba rito? Masakit mang tanggapin ang katotohanan, uso naman talaga yang “lutong Macau” sa kahit anong kompetisyon, lalo na sa tinatawag na “popularity and beauty contest.” Sa hard competition gaya ng basketball at boxing, may fixing nga, sa patimpalak pa kaya ng pagandahan at talento?

Hindi kayo maniniwala, kahit sa mga local show dito sa atin ay nangyayari yan. Marami tayong alam na inside story ng mga television contest tulad ng talent search na “kasado” na ang nanalo or mga mananalo sa simula pa lang ng paligsahan. Maraming mga inside arrangement ang nangyayari pero hindi lang nakikita ng mga nanonood.

Kaya nga napakabuwenas na lang ng isang outsider na mananalo or maisasama man lang sa runnerup kahit may fixing nang nangyari between the talent manager at organizer. Ibig sabihin, extra ordinary talent at brainy kaya tinalo ang manok ng mga nagpa-contest.

May mga pagkakataon na ginagamit lang talaga ang mas malawak na audition para makakuha ng atraksiyon at makahikayat ng mas maraming sasali for commercial purposes. Pero ang totoo, iyong sinabi ng Miss U organizer na puwede silang sumali pero hindi mananalo ay masakit na katotohanang nangyayari naman talaga!

Kahit sa mga local beauty contest, may mga gapangan para matiyak na ang mananalo ay iyong type ng organizer or iyong type ng alkalde na nagpa-contest. Ilang beauty contestants na ba ang nabalitaan nating kalaunan ay naging siyota ng alkalde or ng gobernador ang winner?

Iyong ibang mga talents na sumali ay nalalaman na rin nila ang ganitong sistema sa kalagitnaan ng search pero kailangan nilang lunukin para maging stepping stone sa anumang pag-usad ng kanilang career. Kapal ng mukha at lakas ng loob talaga ang puhunan sa mga talent search kaya lang kahit anong galing mo, nagugulangan ka pa rin ng organizer!

Bagama’t lantad sa katotohanang nangyayari ito, umaasa pa rin tayong maputol na ang ganitong sistema dahil unfair ito sa mga nagsisikap at nagbubuhos ng kanilang mga talento para lumaban nang parehas.

[email protected]