Vic Reyes

BOC, nagdaos ng 122nd founding anniversary

February 18, 2024 Vic Reyes 388 views

HINDI alam ng maraming kababayan natin, ang Bureau of Customs (BOC) ang isa sa pinakamatandang ahensya ng gobyerno nasyonal.

Noong Pebrero 13, Martes, ay idinaos ng BOC ang kanilang 122nd founding anniversary sa isang programa na ginanap sa Rizal Park.

Hindi kagaya ng mga nakaraang BOC birth anniversary, ang selebrasyon ay idinaos ngayong taon sa Rizal Park Hotel.

Bago nito ay nagkaroon ng joint flag-raising ceremony sa Office of the Commissioner (OCOM) sa Port Area noong Lunes, Pebrero 12.

Dito pinarangalan nina Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang mga nag-retirong opisyal at empleyado ng ahensiya.

Ito ang mga BOC personnel na nagsilbi sa ahensya ng mahigit na 40 taon.

Sa programa sa Rizal Park Hotel ay naging guest of honor and speaker si bagong Secretary Ralph Recto ng Department of Finance (DOF).

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at BOC, ang dalawang pinakamalaking revenue generating agencies ng gobyerno, ay nasa ilalim ng DOF.

Sa kanyang talumpati ay pinuri ni Recto ang mga opisyal at tauhan ng BOC dahil sa kanilang magandang serbisyo sa bayan at taumbayan.

Naniniwala si Recto na magpapatuloy ang magandang revenue collection performance ng mga ito sa natitirang buwan ng taon.

Si Commissioner Rubio naman ay inilunsad ang bagong five-point program ng ahensiya.

Ang programang ito ay naglalayong makamit ng ahensiya ang misyon ng BOC alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Marcos.

Ang gusto ni Pangulong Marcos ay lumaki ang koleksyon ng BOC, mawala na ang ismagling, mapabilis ang transaksyon, at tuluyan ng ma-eradicate ang korapsyon at red tape sa aduana.

Alam naman ng marami na malaki ang nawawalang pera sa kaban ng bayan dahil sa ismagling, korapsyon at katiwalian sa mga opisina ng gobyerno.

Sa tingin natin ay lalong magsisipag ang mga opisyal at tauhan ni Commissioner Rubio dahil alam nilang napakataas ng kanilang collection target sa taong ito,

Hindi biro ang mangolekta ng isang trilyong piso sa taong ito

Marami pa kasing negosyante at negosyo ang bumabawi ngayon pagkatapos ng dalawang taong COVID-19 pandemic,

Sa totoo lang, maraming negosyante ang na-bangkarote.

Naghihintay nga sila ng tulong ng gobyerno para muli nilang mabuksan ang kanilang mga negosyo.

Oo nga naman.

***

Hindi lang mga negosyante ang hirap pa rin hanggang sa ngayon.

Kawawa na ang maraming magsasaka sa maraming parte ng bansa dahil sa paglalala ng tinatawag na El Nino phenomenon’

Ilang buwan ng walang ulan, lalo na sa Luzon at iba pang parte ng bansa gawa ng El Nino.

Napaghandaan naman ng gobyerno ang pagdating ng El Nino, pero talagang grabe ang nangyayaring “drought” at “dry spell.”

Wala na raw lumalabas na tubig sa mga tubo ng water pumps dahil napakalalim na ang level ng tubig sa maraming lugar.

At napakagastos ang paggamit ng water pumps dahil sa mahal ng gasolina at krudo.

Siguradong malulugi na raw ang mga magsasaka dahil napakalaki ng production cost ngayon.

Sana daw paglaanan ng gobyerno ng malaki-laking pondo ang mga programang tutulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Siguradong malaking isyu ang kalagayan ng mga agricultural worker sa national at local elections sa Mayo 12, 2025.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #09178624484/ email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE