Sherwin Gatchalian

De-kalidad na early childhood care isinusulong ni Sen. Win

January 28, 2024 PS Jun M. Sarmiento 304 views

MATAPOS kumpirmahin ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na may krisis sa sektor ng edukasyon, isinusulong ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ang kanyang panukalang batas para paigtingin ang de-kalidad na mga programa para sa early childhood care and development (ECCD).

Layunin ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) ni Gatchalian na tiyakin ang ugnayan sa pagitan ng ECCD curriculum at basic education curriculum. Sa ilalim ng panukalang batas, palalawigin ang responsibilidad ng mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga programa para sa ECCD.

Lumabas sa report ng EDCOM II na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education” ang iba’t-ibang mga hamong kinakaharap sa sistema ng ECCD sa bansa.

Ayon sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng ECCD Council, 36% o 15,207 sa 42,027 na mga barangay sa bansa ang may isang child development center (CDC) kada day care. Mandato ng Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act of 1990 (Republic Act No. 6972) sa bawat probinsya, lungsod at munisipalidad na magkaroon ng day care center sa bawat barangay.

Lumabas din sa ulat na may edad na o walang sapat na pagsasanay sa early childhood education (ECE) ang karamihan sa mga daycare teachers at workers.

Bagama’t 52% sa mga daycare teachers at workers na ito ang may college degree at 17% ang may high school diploma, kaunti lamang ang may pagsasanay sa ECCD. Simula 2005, umabot lamang sa 3,993 ECE graduates o 80 kada taon ang nagmula sa mga higher education institutions na nag-aalok ng programa.

Ayon pa sa ulat, 89% ng child development teachers and workers ang nasa nonpermanent na mga posisyon at tumatanggap ng P5,000 kada buwan.

Habang ang ECCD Council ang magtitiyak sa ugnayan ng ECCD sa basic education, magiging mandato naman sa mga LGU na pagsikapang magkaroon ng universal coverage para sa national ECCD System sa pamamagitan ng pagtukoy at pagsuporta sa mga bata, mga magulang at kanilang mga parent substitutes.

Magiging mandato rin sa mga LGU na lumikha ng mga plantilla positions para sa mga child development workers at child development teachers at isulong ang kanilang professional development.