Posas

Bus inararo 5 sasakyan sa Bataan; 4 patay, 26 sugatan

January 25, 2024 Bernard Galang 660 views

PATAY ang apat katao habang 26 naman ang sugatan makaraang araruhin ng isang pampasaherong bus ang limang sasakyan sa Dinalupihan, Bataan Miyerkules ng gabi.

Sa isinumiteng ulat kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang isa sa mga nasawi na si Camille Isidro, 25, ng Bgy. Naparing sa bayan ng Dinalupihan.

Si Isidro at dalawa pa nitong kasamang sakay ng motorsiklo ay idineklarang dead on arrival sa ospital.

Inaalam pa ng pulisya ang pangalan ng dalawang rider at ang pang-apat na nasawi sa insidente.

Nangyari ang aksidente ganap na alas-7 ng gabi ng Miyerkules sa Olongapo-Gapan Road sa Bgy. Bangal sa Dinalupihan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang Arayat Liner bus na minamaneho ni Edwin Sandoval, 54, ay galing San Fernando, Pampanga at patungong Olongapo City nang pagsapit sa nabanggit na lugar ay nawalan umano ng kontrol ang driver sa bus at sinalpok ang isang motor, dalawang tricycle at isang L300 van saka binangga ang kasalubong na pampasaherong jeep.

Sa tindi ng pagbangga, tumagilid ang jeep habang ang bus ay dire-diretso namang sumalpok sa gilid ng kalsada.

Isinugod ang mga biktima sa James Gordon Memorial Hospital, kung saan hindi na umabot ng buhay sina Isidro at dalawa pang kasama nitong motorbike riders.

Inaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang driver ng bus na nahaharap ngayon sa patung patong na kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to properties.

AUTHOR PROFILE