
Jiro Manio sa pagbenta ng Urian trophy: ‘May pangangailangan din ako’
IBINAHAGI ng former actor na si Jiro Manio ang kanyang naging dahilan kung bakit niya ibinenta ang kanyang Gawad Urian Best Actor trophy.
Matatandaang kamakailan lamang ay ibinenta ng dating child actor sa halagang P75k ang napanalunang tropeyo noong 12 anyos pa lamang siya bilang pagkilala sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang ‘Magnifico.’
Sa isang panayam, sinabi ni Jiro na dala na rin ng kanyang pangangailangan kung bakit niya naibenta ang trophy.
“Siguro mahirap din pero dahil nga nauunawaan naman ako ng mga tao siguro kung bakit ko pinatago kay Boss Toyo ‘yung trophy. Siguro dala na rin ng hirap ng buhay, siguro maiintindihan ako ng mga tao na kailangan ko rin, may pangangailangan din ako,” saad ng dating child actor.
Ayon pa sa kanya, wala pa sa kanyang mga plano ang pagbabalik sa mundo ng showbiz dahil mas nais niyang unahin ang sariling pamilya at maging ang kanyang recovery.
“Masaya naman po ako sa araw-araw at nakakatulong po ako sa kanila at isa pa, iniintindi ko po yung self-recovery ko kasi saan man ako magpunta maaari ba akong mapabisyo na naman o hindi. Ngayon stable muna ako sa family ko,” pahayag ni Jiro.