Gomburza

‘Gomburza,’ most awarded movie ng 2023

December 28, 2023 Ian F. Fariñas 322 views

Ang tinatawag ng marami bilang biggest historical film of the new decade ay nakakuha ng maraming awards sa ika-49 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal.

Ibinahagi ang istorya ng tatlong paring martir ng kasaysayan, ang pelikulang Gomburza ay nanalo ng 2nd Best Picture, Best Actor Award, Best Director Award, Best Cinematography, Best Production Design, Best Sound Design at ang espesyal na Gawad Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award — isang patunay kung gaano kapaborito ito ng mga kritiko at manonood.

Ang aktor na gumanap bilang Fr. Jose Burgos na si Cedrick Juan ay naluha nang tanggapin ang parangal bilang Best Actor habang nagpapasalamat sa mga taong nagtitiwala sa kanya at sa mga teatro na tumulong sa kanya na maging mahusay na aktor.

Tinanggap naman ni Direk Pepe Diokno ang Best Director award at nagpasalamat sa suporta ng lahat ng tumulong sa kanya na gawing isang makabuluhang pelikula ang Gomburza na nagbigay ng mas malalim na paliwanag sa kung paano nabuo ang nasyon mula sa pakikibaka at sakripisyo nina Padre Mariano Gomes, Jose Burgos at Jacinto Zamora.

Nominated din sina Dante Rivero at Enchong Dee sa Best Supporting Actor award para sa kanilang pagganap bilang Padre Gomes at Padre Zamora.

Ang pagganap ng tatlong bida sa pelikula, kasama ang angking galing ni Direk Pepe sa visual storytelling, ay nagdulot ng magandang feedback mula sa mga manonood dahil sa makabagbag-damdaming paglalarawan ng kasaysayan, nasyonalismo at katapangan ng ‘Los Filipinos.’

Ang tagumpay ng Gomburza sa Gabi ng Parangal ay nagpapatibay hindi lang bilang cinematic gem kundi bilang isang pagbibigay-pugay sa makulay na kasaysayan ng bansa at sa dedikasyon ng tatlong pari para sa kanilang pangarap para sa pagkakapantay-pantay at katarungan.

Damhin ang mensahe ng Gomburza at alamin kung bakit nag-aalab ang interes ng mga tao para mapanood ang pelikulang ito.

Ito ay mapapanood sa mga sinehan hanggang Enero 7.

AUTHOR PROFILE