Quiboloy

QUIBOLOY PINAGBAWALAN

December 21, 2023 People's Tonight 358 views

NA tumanggap ng donasyon mula sa KOJC members sa US

PINAGBAWALAN si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy na tumanggap ng donasyon o regalo mula sa mga tagasunod nito sa Estados Unidos kasunod ng pag-freeze ng U.S. Department of Treasury sa kanyang assets.

Si Quiboloy, 72, ang spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at pinaniniwalaang “beneficial owner” ng Sonshine Media Network International (SMNI), na iniimbestigahan ngayong ng Kamara dahil sa pagpapakalat ng fake news at red-tagging activities.

Ang mga ari-arian ni Quiboloy ay na-freeze bunsod ng isinampang kaso sa kanya sa Estados Unidos gaya ng criminal conspiracy related to sex trafficking, child sex trafficking, money laundering, marriage and visa fraud, at iba pang federal fraud violation.

Ang hakbang ng US Treasury Department na harangin ang anumang donasyon o regalo papunta kay Quiboloy ay isang indikasyon na malakas ang mga ebidensyang hawak ng Estados Unidos laban sa kanya.

Ang hinaharang ng gobyerno ng Amerika ay hindi lamang pera kundi anumang kontribusyon maging materyal man ito o serbisyo.

Tinutulan ng abogado ni Quiboloy ang inilabas na parusa na lumalabag umano sa presumption of innocent ng akusado.

Igiiit ng mga abugado ni Quiboloy na wala pang napatutunayan sa mga alegasyon.

Batay sa inihaing kaso, si Quiboloy ay nasa sentro ng mga umano’y krimen.

Ang ipinataw na pasura ng US Treasury Department ay maaari umanong maka-apekto sa organisasyon ng KOJC.

Nauna rito, inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang “most wanted” poster ni Quiboloy.

Ayon sa website ng FBI, si Quiboloy ay wanted sa US dahil sa pagkakasangkot sa labor trafficking scheme.

Batay sa natuklasang iligal umanonna operasyon, ang mga miyembro ng KOJC ay dinadala sa US gamit ang mga kuwestyunableng visa upang manghingi ng donasyon para sa isang kahina-hinalang charity. Pero ang nalilikom na donasyon ay ginagamit umano sa operasyon ng simbahan at maluhong pamumuhay umano ng mga lider nito.

Ayon sa FBI, si Quiboloy ay kinasuhan ng isang federal jury sa U.S. District Court sa Santa Ana, California. Kasama sa isinampang kaso ay conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at bulk cash smuggling.

Noong Nobyembre 10, 2021, isang federal warrant ang inilabas para sa pag-aresto kay Quiboloy.

Patuloy umano ang mga hakbang na ginagawa ng federal authorities upang tuluyan ng mabuwag ang umano’y criminal network na may kaugnayan kay Quiboloy.

Ang pagbabawal na ipinataw ng US Treasury Department sa mga miyembro ng KOJC sa Amerika na makapagpadala ng donasyon o regalo kay Quiboloy sa Pilipinas ay dagdag sa hamong kinakaharap ng spiritual leader.

AUTHOR PROFILE