
LOLA, 5 APO DEDO SA SUNOG
CANDELARIA, QUEZON – Patay ang isang lola at lima niyang apo habang nasugatan ang dalawa niyang pamangkin, makaraang masunog ang bahay na kanilang tinitirhan isang oras makalipas ang hatinggabi noong Sabado.
Kinilala ni Candelaria police chief, Lt. Col. Bryan Merino ang nasawing lola na si Delia Corales Cruzat, 69, at mga apo niyang sina Darline Joy, 21; Princess Joy, 16; Kylie Joy, 9; at Crissa Joy, 18, na pawang may apelyidong Cruzat Quirrez; at Tristan Jino Cruzat Pola, 10.
Nasugatan naman ang mga pamangkin ng matanda na sina Edna Cruzat, 37, at Vangie Quirrez, 48.
Ang sunog sa kanilang tirahan sa Ramos Street, Barangay Masalukot 1, Candelaria, ay nadiskubre ni Anica Corales na kapitbahay ng mga biktima, matapos niyang marinig ang tinig ng mga biktima na sumisigaw ng tulong Sabado ng madaling araw.
Napag-alamang nagsimula ang apoy sa unang palapag ng bahay dahil sa umano’y faulty wiring, kung kaya’t na-trap ang mga biktima sa ikalawang palapag kung saan sila natutulog.
“Dahil mainit na sa hagdan dulot ng kumalat na apoy kung kaya hindi na nakababa ang mga biktima hanggang sa na-suffocate sila ng usok,” wika ni Merino sa panayam.
Dakong 2:30 ng umaga nang ganap na naapula ang apoy.
Napag-alamang nagtatrabaho ang mga magulang ng limang bata sa ibang bansa, kung kaya’t sila ay nasa pangangalaga ng kanilang lola.