Villanueva

More jobs isinusulong ni Sen. Villanueva

November 13, 2023 PS Jun M. Sarmiento 531 views

ISINUSULONG ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, principal sponsor at author ng Trabaho Para sa Bayan (TPB) Act, ang pagkakaroon ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Sinabi ng senador hindi dapat magsilbing ‘benchmark’ para sa employment rate ng bansa ang seasonal employment.

“Expectations of increased hiring due to the holidays is a positive development. But this should not detract us from the fact that these are seasonal jobs and cyclical; you are employed for a few months and then unemployed in the next,” sabi ni Villanueva.

Sa deliberasyon ng 2024 budget ng National Economic and Development Authority (NEDA), muling iginiit ni Villanueva ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 11964 o TPB Act na gagawing sentro ng industrial policy ng bansa ang mahalagang reporma sa paglikha ng disenteng trabaho para sa mga Pinoy.

Iminungkahi ni Villanueva ang P5 milyong inisyal na pondo para sa implementasyon ng TPB Act sa 2024 national budget na ilalagay sa ilalim ng NEDA para masimulan ang programa ng naturang batas.

Nitong Setyembre 2023, nakapagtala ng 4.5% na unemployment rate ang bansa, mas mataas sa 4.4% sa nagdaang buwan. Samantala, ang underemployment rate ay 10.7%, mas mababa sa 11.7% noong Agosto 2023.

Inilarawan ng PSA ang underemployed person bilang mga gustong magkaroon ng dagdag na oras sa kanilang kasalukuyang trabaho o magkaroon ng dagdag na trabaho o di kaya’y magkaroon ng bagong trabahong may mahabang oras.

Nilagdaan noong Setyembre 27, 2023, sinabi ni Villanueva na magbibigay ng mahalagang solusyon sa pagbibigay ng disente at tuloy-tuloy na trabaho para sa mga Pilipino ang TPB Act.

Sa ilalim ng batas, magtatatag ang pamahalaan ng isang national employment generation at recovery master plan na may tatlo, anim at 10 taong development timeline.

Kasama sa master plan ang inisyatibo para suportahan ang micro, small and medium enterprises, worker upskilling, employer incentives, youth employment, gayundin ang reintegration ng overseas Filipino workers (OFWs) at iba pa.

“Magandang aginaldo po ang trabaho para sa ating mga kababayan. Ngunit hindi po ito dapat ibinibigay tuwing Pasko lamang,” pagtatapos ni Villanueva.