Posas

SININGIL SA UTANG, NANAKSAK!

November 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 568 views

Naningil, 3 others sugatan!

APAT katao ang nasugatan matapos na manaksak ang isang lalaki na siningil sa utang ng isa sa mga biktima nitong Linggo sa Antipolo City.

Nakilala ang mga biktima na isang 52-anyos na ginang at ang 34-anyos na anak nito, pati kanilang mga 21-anyos at 23-anyos na kaanak.

Arestado naman ang lalaking suspek na residente ng Greenview Ville sa Sitio Kaysakat 2, Barangay San Jose, Antipolo City.

Ayon kay Antipolo City Police Chief, Lt. Col. Ryan Manongdo, naganap ang insidente dakong 3:30 ng hapon sa Bgy. San Jose.

Nauna rito, isa sa mga biktima ang umano’y naningil ng pautang sa live-in partner ng suspek, subalit sa halip na magbayad ay nagwala ang suspek at nanghabol ng saksak.

Gamit ang balisong, sinaksak ng suspek ang 52-anyos na ginang sa kanang kamay, dibdib at tiyan.

Isinunod na atakihin ng suspek ang 21-anyos na kaanak ng biktima na nagtamo ng tama ng saksak sa kaliwang kamay at dibdib.

Sinaksak din ng suspek ang dalawa pang biktima bago tumakas patungo sa masukal na bahagi ng lugar.

Isinugod naman ang mga biktima sa Rizal Provincial Hospital System Annex III sa Sitio Cabading.

Gayunpaman, naaresto ang suspek sa follow-up operation ng pulisya.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.