Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna

Manila market administrator pinasalamatan ni Mayor Honey

November 13, 2023 Edd Reyes 584 views

PINASALAMATAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang Market Administration Office ng syudad sa pagsusumikap na maging malinis at maayos ang mga pampublikong pamilihan sa Maynila.

Ipinaabot ng alkalde ang kanyang pasasalamat sa management at mga empleyado ng tanggapan sa kanyang speech sa flag ceremony tuwing Lunes sa Kartilya ng Katipunan.

Pinamumunuan ni Zenaida Mapoy bilang officer-in-charge ang Market Administration Office.

Nauna nang ipinagmalaki ni Mapoy na hindi nawawalan ng mga nakatalagang kawani sa lahat ng mga pampublikong pamilihan sa lungsod.

“Naniniwala kasi ako na kapag masaya ang ating mga empleyado, magiging magaan ang kanilang pagtatrabaho. Yun po ang panuntunan ko, ayoko ng may nakasimangot sa opisina dahil mabigat po ang ating pagtatrabaho kapag po hindi masaya sa ating nasasakupan,” paliwananag ni Mapoy.

Mula nang pamunuan niya ang tanggapan, napababa ng P4 milyon ang dating lagpas sa P7 milyong kada buwan na bayarin sa tubig sa lahat ng mga pampublikong pamilihan.

Nilinaw ng administradora na hindi naman nakompromiso ang kalinisan sa mga palengke at mas malinis pa nga ito kumpara noon dahil kapag naramdaman niyang tumataas ang konsumo sa tubig ng isang palengke, kaagad niyang ipinapaayos ang mga sirang tubo para hindi lumakas ang konsumo.

“Halimbawa po ang Obrero Market, dati po yan P77,000 kada buwan ang bayarin noong araw, pero noong ako po ang maupo, hanggang ngayon nasa P2,100 na lang po sila a month,” pagmamalaki pa ni Mapoy.

Nagpasalamat din siya kay Mayor Lacuna-Pangan sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya at sa iba pang pinuno ng mga departamento dahil kapag may inilapit aniya silang proyekto, agad itong ina-aprubahan ng alkalde.

AUTHOR PROFILE