
DOE pinuri ni Gatchalian
PINURI ni Sen. Sherwin Gatchalian ang paglulunsad ng Department of Energy (DOE) ng competitive selection process (CSP) para sa mga microgrid system providers (MGSP) dahil isa itong malaking hakbang tungo sa pagbibigay ng kuryente sa buong bansa.
“Kumpiyansa ako na magpapalakas ang pagpapaunlad ng mga microgrid system sa bansa ng mga pagsusumikap sa elektripikasyon sa kanayunan na magpapagaan ng kalagayan sa ekonomiya ng mga lugar na iyon,” sabi ni Gatchalian, may-akda ng Republic Act 11646 o ang Microgrid Systems Act, na isinabatas noong Enero ng nakaraang taon.
Nasa 96.17% ang kasalukuyang katayuan ng elektripikasyon sa bansa. Nitong Disyembre 2022, may kabuuang 879,232 na kabahayan ang walang kuryente, ayon sa ulat na inilabas ng DOE batay sa 2015 census.
Sa Luzon, nasa 98.89 ang elektripikasyon at 148,435 na pamilya o kabahayan ang wala pa ring kuryente.
Sa Visayas, nasa 97.61% ang electrification at 105,110 na kabahayan ang walang kuryente habang sa Mindanao, 88.12% ang household electrification kung saan 625,687 na kabahayan ang kulang pa sa kuryente.
Upang simulan ang pagbuo ng mga microgrid system sa bansa, ang DOE ay naglathala na ng isang imbitasyon para sa mga mamumuhunan na nais lumahok sa CSP.
Sinabi ni Gatchalian na nagmamandato ang Microgrid Systems Act sa departamento ng enerhiya na ideklara ang mga unserved at underserved areas para sa elektripikasyon.
Inaasahang magbibigay-daan ito para sa pagpasok ng mga mamumuhunan ng pribadong sektor para maging accredited bilang mga microgrid service provider dahil hindi sila hihilingin na kumuha ng mga waiver mula sa kasalukuyang mga distribution utilities.
“Nagsagawa ang gobyerno ng iba’t ibang mga programa sa elektripikasyon sa nakalipas na mga dekada at gayunpaman, maraming mga komunidad ang hindi pa rin natatamasa ang mga benepisyo at bentahe ng pagkakaroon ng kuryente.
Sa napipintong pag-unlad ng mga microgrid system, maaari na nating makita sa lalong madaling panahon ang full electrification sa bansa,” sabi ni Gatchalian.
Ayon sa DOE, mamamahala sa pagtatayo, pag-install, pagpapanatili at pagpapatakbo ng mga microgrid system ang mga nanalong MGSP para magkaloob ng mga serbisyo ng kuryente sa lahat ng oras para sa lahat ng mga sambahayan sa mga piling malalayong lugar.