Default Thumbnail

Mga motorsiklo pasaway sa EDSA busway

November 8, 2023 Allan L. Encarnacion 335 views

Allan EncarnacionDAPAT malutas agad ng PNP ang pagpatay sa radio anchor sa Calamba, Misamis Occidental.

Maraming unsolved cases ng pagpaslang sa mga mamamahayag kaya patuloy ang pagdami ng mga naglalakas-loob na pumaslang ng mga media personality.

Sinasabi ng ilang grupo na umaabot na sa 199 ang mediamen na napapatay sa bansa mula pa noong 1986. Alarming ito, lalo’t nasa 30% lang ang sinasabing nagkaroon ng conviction.

Malaking hamon ito sa magreretiro nang si PNP Chief, Director General Benjamin Acorda, Jr. Hindi natin alam kung kaya pa itong malutas sa nalalabing mahigit isang buwan na lang ng Heneral sa kanyang puwesto.

Pero journalist man o hindi ang napatay, dapat pareho ng intensity ang PNP sa paglutas sa mga ganitong kaso.

Ang dami na namang pinapatay sa kalsada at patuloy pang dumarami dahil nakakaligtas ang mga kriminal. Kamakalawa lang, isang newly elected barangay kagawa ang pinatay din sa Pasay City.

Ano ba ang nangyayari sa ating bayan, General?

Paging DILG Secretary Benhur Abalos, konting pasiklab naman dyan.

***

Mabuti naman ang tinaasan na pala ng MMDA ang multa sa mga pasaway na dumaraan sa buslane sa Edsa.

Mabigat na ang P5,000 sa unang huli, susundan pa ng P10K sa ikalawa, P20K hanggang P30K plus license revocation, siguro naman magsisitino na tayong lahat dyan.

By the way, hindi ba’t dapat ay ambulansiya, pulis at sundalong sasakyan lang ang puwedeng dumaan sa busway? Bakit madalas tayong nakakakita ng mga SUV na may backup na maraming security na dumaraan sa carousel lane?

Exempted din pa ang mga pulitiko sa huli?

Dapat ay istriktong ipatupad ang bawal kung bawal ang civilian car para talagang magamit ng mga bus at emergency vehicles ang special lane.

Gusto nating makita si MMDA General Manager Popoy Lipana na tiniteketan at pinagmumulta ang mga pulitikong illegal na gagamit ng busway.

Siyanga pala, pati mga ambulansiyang walang sakay na pasyente dapat hulihin din kapag dumaan. Maging ang mga armoured van ng mga bangko ay wala rin dapat karapatang dumaan sa busway.

Ang talagang makukulit at talagang pasaway ay ang mga motorsiklo. Kung minsan, pulutong silang dumadaan doon kasuNod ng mga SUV na parang iniinggit kaming mga sumusunod na batas-trapiko’t naiipit sa masikip na Edsa.

Ngayong ang multa ay kayamanan na sa iba at kalahating buwan na sahod ng minimum wage earner, tingnan natin kung may mga magmamatigas pa ring dumaas sa Edsa buslane.

[email protected]