Jake Larawan mula sa IG/@supermommyraqz at @jakezyrusmusic

Ina ni Jake Cyrus: Akala ko forever na kami ni Charice

November 2, 2023 People's Tonight 467 views

NASAKTAN daw si Raquel Pempengco, ina ng singer na si Jake Zyrus nang patayin ng anak ang dati nitong katauhan na si Charice Pempengco.

Sa panayam ng entertainment reporter na si Morly Alinio sa kanyang vlog kasama si Raquel, nagsalita ito upang tuldukan na ang mga ibinabatong isyu kay Jake Zyrus.

Sey ni Raquel na hiling niya na tigilan na ng ibang tao ang mga ipinupukol na isyu sa anak. Pamilya pa rin naman daw ang turing niya rito kahit na hindi nagre-reach out sa kanya.

“… Ayon na rin kay Jake Zyrus, matagal nang patay si Charice Pempengco. Gusto ko lang ipaalam sa mga tao na tahimik na si Jake. Bigyan na ng karapatang malaya ang pamumuhay na hindi naka-focus sa kanya—kasi tao lang din naman ‘yon,” sey ni Raquel.

“Ako na lang ang uunawa na kahit gaano siya kalayo, na gaano katagal pa siyang hindi mag-reach out sa amin, basta family pa rin namin siya. Hindi pa rin namin siya nakakalimutan na parte pa rin siya ng pamilya ko,” pagpapatuloy pa nito.

Masakit daw bilang ina nang magpalit ng kasarian ang kanyang anak at maging isang transman, dahil nawala raw lahat ang inaasahan niya kay Jake.

“Siyempre masakit sa ‘kin. Noong pinagbubuntis ko siya namanata ako ng siyam na buwan para maging babae. Masakit sa akin kasi, na ‘yung akala ko na Charice Pempengco na malapit sa ina, na kaibigan ng ina, na ako ‘yung buhay niya—mula noong nag-Jake siya, nawala lahat ‘yon,” pahayag ni Raquel.

“Mas masakit sa akin kasi nag-expect ako na for life kami magkasama eh,” aniya pa.

Samantala, ang higit na ikinasakit ng damdamin ni Raquel ay nang palitan ng kanyang anak ang pangalan nito.

“Mas masakit sa akin ‘yung nagpalit siya ng pangalan dahil ako ang nagbigay ng pangalan niya,” wika ng ina ni Jake.

AUTHOR PROFILE