
2 bebot timbog sa shabu, baril
KAMPO MAJOR/HENERAL LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal–Dalawang babae na pinaghihinalaang tulak ng illegal na droga ang naaresto ng mga pulis sa buy-bust sa Bgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal noong Sabado.
Nakilala ang mga naaresto na sina alyas Rumello at alyas Sophia, ayon kay Rizal Police Provincial Office (PPO) Director P/Col Felipe Maraggun.
Nahuli ang mga suspek dakong alas-2:00 ng madaling-araw ng mga pulis ng Rodriguez, Rizal.
Nakumpiska sa dalawang suspek ang 11 plastic sachets na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na may halagang P680,000, buy-bust money, 15 piraso ng P100 bill, isang kalibre .38, apat na bala at sling bag.