
Direk Lino, posibleng bumalik sa pulitika sa 2025
MUKHANG hindi lang film directorial comeback ang aabangan ng publiko kay Rein Entertainment producer Lino Cayetano kundi maging ang muli niyang pagsabak sa mundo ng pulitika sa 2025.
Nagbigay ng ganitong hint ang dating mayor ng Taguig City nang makausap ng ilang miyembro ng entertainment media sa mismong opisina ng Rein Entertainment sa Quezon City nitong Miyerkules.
Paliwanag ni Direk Lino, “Kung successful ang Rein Entertainment and pwede ko nang iwan, hahaha, hindi naman, ang laki lang ng pwedeng gawin sa larangan ng, ako, ha, ng public service… as mayor, I’m such a fan of Mayor Joy (Belmonte). Lahat ng ginagawa niya dito. Uhm, naging mayor ako nang pandemic kaya iba ‘yung naging problema ko noon. Pero imagine what we can do, ‘no, kung ang Quezon City at Taguig, pro entertainment? ‘Yung dulo-dulo, ‘di ba? So, ang dami nating… I think, we can really create a movement, ‘yon. Pero, tagal pa ‘yon.”
Sa ngayon, tutok at dibdiban ang ginagawa ng grupo ni Direk Lino, kasama ang partners niyang sina Direk Shugo Praico at Direk Philip King, pati na ang managing producer nilang si Charm Guzman, na pagpo-produce ng mga makabuluhang pelikula na nagbibigay-karangalan sa ‘Pinas sa global arena.
Matapos ngang makapagtala ng historical win ang kolaborasyon nila ng ABS-CBN na Bagman, kung saan naiuwi ng bidang si Arjo Atayde ang tropeong Best Actor in a Leading Role sa Asian Academy Creative Awards (AAA) nu’ng 2020, tumanggap din ng national award ang Kylie Padilla-Andrea Torres starrer na BetCin bilang “Best Comedy Program” noong 2022.
Ngayong 2023, apat naman ang tinanggap nilang parangal mula sa AAA National Round para sa kanilang 2022 Metro Manila Film Festival entry na Nanahimik Ang Gabi (A Silent Night): Best Feature Film, Best Screenplay (Direk Shugo), Best Actor in a Supporting Role (Mon Confiado) at Best Actress in a Leading Role (Heaven Peralejo).
Ito ay bukod pa sa pananalo ni Ian Veneracion ng MMFF Best Actor at ni Mon ng MMFF Best Supporting Actor awards.
Sa December, muling tutulak ang Rein Entertainment team nina Direk Lino pa-Singapore bilang kinatawan ng ‘Pinas sa AAA grand finals sa iba’t ibang kategorya kasabay ang higanteng studios na GMA at ABS-CBN.
Humakot din ng 11 nominations ang Nanahimik Ang Gabi sa nalalapit na 2023 Eddys (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), kabilang ang Best Feature Film, Best Screenplay, Best Actor, Best Actress, Best Supporting Actor at Best Director.
Ayon kay Direk Lino, happy sila’t nagpapasalamat na nabibigyan ng atensyon ang Nanahimik… na kasalukuyang napapanood sa Prime Video.
In-acknowledge rin niya ang tulong at suportang ibinibigay sa Rein ng malalaking players tulad ng GMA, ABS, Viva, Regal at Cineko.
Katunayan, partners nila ang Viva at Cineko sa susunod nilang offering, ang romance-drama na Elevator, na nasa post-production stage na ngayon.
Pinagbibidahan ito nina Paolo Avelino, Kylie Versoza at Singaporean actor Adrian Pang sa tulong ng Singaporean co-producer nilang Dogma Films.
May pagka-Pretty Woman (Julia Roberts at Richard Gere) at Indecent Proposal (Demi Moore at Robert Redford) raw ang tema ng Elevator na isinulat at dinirek ni Direk Philip.
“We really want to collaborate with other outfits,” turan ni Direk Lino.
“Partnership is key,” dugtong pa niya.
Kaabang-abang din ang follow-up project ni Direk Shugo sa Nanahimik. Ito ay ang horror thriller na Caretakers, na kolaborasyon naman ng Rein at Regal Entertainment.
Ani Direk Lino, binubuo pa ang cast ng nasabing pelikula na magsisimulang mag-shoot sa Disyembre.
“End of next year pa ‘yon mapapalabas,” saad niya.
Kasabay nito, may dine-develop din silang maaksyong proyekto para sa Vivamax kasunod ng matagumpay nilang serye na Secrets of a Nympho, na pinagbidahan nina Rhen Escaño, Ayanna Misola, Gold Aceron, Josef Elizalde, Arron Villaflor, Andrea Garcia at marami pang iba.
“’Di pa final ang cast,” banggit pa ni Direk Lino, na nagbigay din ng “guided tour” sa press ng napaka-sleek, cozy at impressive Rein office na kumpleto sa coffee station, writers’ room na loft type, board room, maaliwalas at malawak na receiving/dining area at higit sa lahat, state-of-the-art screening/editing room.