Francis

Pia, dinedma si Boss Toyo!

October 19, 2023 Vinia Vivar 474 views

Mainit pa ring pinag-uusapan ang malaking rebelasyon na naganap sa vlog ni Boss Toyo kung saan nga ay lumantad ang diumano’y anak sa ibang babae ng yumaong Francis Magalona na si Gail Franceska o Cheska.

Matatandaang pumunta si Cheska at ang kanyang inang si Abegail Rait sa shop ni Boss Toyo para ibenta ang memorabilia ni Francis M.

Dala-dala nga ng mag-ina ang blue jersey ni Francis M. at sa kanilang pag-uusap ay ni-reveal ni Abegail na nagkaroon sila ng relasyon ni Francis M. at si Cheska ang bunga ng kanilang pagmamahalan.

Dahil dito, kontrobersyal ngayon si Boss Toyo at kabi-kabila ang gustong mag-interview sa kanya.

Sa panayam ng mag-asawang Julius Babao at Christine Bersola sa One Ph, sinabi ni Boss Toyo na nag-reach out siya kay Pia bago i-upload ang video.

“I did text her twice to inform her na nagpunta si Abegail and the kid and I informed her also through text that naka-schedule siya ng 8 a.m. to be uploaded,” kwento ni Boss Toyo.

“So I didn’t get a response, so sabi ko, baka… I don’t know kung ano. Kasi alam ko rin ‘yung mapi-feel ni Ma’am Pia about it. Alam ko naman ’yun eh,” dagdag niya.

Nagdalawang-isip daw siya talaga kung ia-upload ang video dahil alam niya na may mga masasaktan ‘pag inilabas niya ito.

Pero talagang kailangan niya itong ilabas bilang pagpapatunay na legit ang item at totoong pag-aari ni Francis.

“Hindi naman ako magga-gaslight na hindi ko alam na may masasaktan. Pero kasi kahit hindi siya sa’kin lumabas, lalabas siya, eh,” wika pa ni Boss Toyo.

Ikinuwento rin niya kung paano nagpunta si Abegail sa kanyang shop.

“Nagpa-schedule ‘yung isang cousin… na they will bring up something na magugustuhan ko. So sabi ko ‘Sige. Go. Schedule natin.’ Binigyan namin ng schedule… nu’ng pumunta na sila ng Friday, I was expecting na Francis Magalona item lang. I wasn’t… na mayroong story na ganoon,” aniya.

Kinilabutan nga raw siya nang sinabi na ni Abegail na anak ni Francis M. ang kasamang dalagita na si Cheska.

“Nakakatulala,” sabi pa ng fan ni Francis M. “Kung makikita n’yo siya personally, matutulala kayo.”

Dagdag pa niya, “’Yung mukha niya, hindi pupuwedeng ipagkaila (na anak ni Kiko.”

Nabili ni Boss Toyo ang jersey ng rap icon sa halagang P500,000 at ang pera ay gagamitin daw para sa pangangailangan ni Cheska na nagsisimula na ring umawit at mag-gig o mag-perform sa iba’t ibang venue o okasyon.

AUTHOR PROFILE