Camilon

Ina at kapatid, patuloy ang paghahanap sa nawawalang beauty queen

October 18, 2023 Vinia Vivar 630 views

Habang isinusulat ito ay hindi pa rin natatagpuan ang beauty queen at kandidata ng Miss Grand Philippines 2023 na si Catherine Camilon na mag-iisang linggo nang nawawala.

Sa Facebook account ng kanyang kapatid na si Chin-chin ay makikitang patuloy pa rin nilang hinahanap at hinihintay si Catherine na umalis ng bahay noong October 12 at hanggang ngayon ay hindi pa umuuwi.

Ilang araw na ring nananawagan si Chin-chin at ang ina nilang si Rose kay Catherine na sana’y umuwi na, gayundin sa publiko na kung sinuman ang nakakita sa nawawalang kapamilya ay ipagbigay-alam sa kanila.

Nakiusap din si Chin-chin na huwag nang sabihin pa sa kanya ang mga hindi magagandang naiisip ng mga ito.

“Sa mga nagsasabi po ng pangit na pwedeng mangyare, i keep niyo na lang po sa inyong mga sarili yung mga hindi magagandang sasabihin, wag niyo na po i share sakin kase para nakong aatakihin sa puso, at hindi po nakakatulong.

“Sana ipagpray niyo na lang din po sya kung may mga ganon salamat po,” ang pakiusap ni Chin-chin.

DONBELLE SERIES, NAMAMAYAGPAG

Maiinit ang pagtanggap ng viewers sa kauna-unahang teleserye ng New Gen Loveteam na DonBelle sa pilot episode ng Can’t Buy Me Love nitong Lunes na nakakuha ng 454,413 live concurrent views at nanguna sa X (dating Twitter) trending list nationwide.

Ayon kay Donny, mas challenging ang roles nila rito at kakaiba sa mga dating ginampanan nila.

Sey niya, “Ang daming bago talaga. Ang question talaga kung anong similarities and there are so many new things na hindi niyo pa nakikita sa past projects.”

Dagdag pa niya, hindi lang kilig ang ipaparamdam ng mga karakter nilang sina Bingo (Donny) at Caroline (Belle).

“Hindi ito yung typical rom-com. Ang daming genre in one show, may romcom, drama, mystery. Ang dami mong emotions na mafe-feel and marami ka rin questions na gustong malaman every episode, saad niya.

Para naman kay Belle, ituturo ng kwentong ito kung bakit hindi talaga mabibili ang pag-ibig.

“You can’t buy love. You can buy happiness, but you can’t buy everything. You can only find true happiness in yourself and the people surrounding you,” sabi niya.

Samantala, hindi lang naman sa social media nanguna ang serye dahil kasalukuyang most-watched show din siya sa Netflix Philippines.

Napapanood ang Can’t Buy Me Love sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, Jeepney TV, TFC IPTV at TV5.

Maaari rin ito panoorin in advance sa Netflix o iWantTFC.

AUTHOR PROFILE