
Vice at Ion, ipinababasura ang reklamo ng socmed group
Nakapag-sumite na ng kontra-salaysay sina Vice Ganda at Ion Perez kaugnay ng reklamong cyber crime ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI).
Naganap ito sa first hearing ng nasabing criminal case laban sa celebrity couple kahapon, October 16, sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Matatandaan na noong September 11 ay sinampahan ng KSMBPI ang magdyowa ng kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code — na may kinalaman sa Section 6 ng Article 201 at sa Republic Act No.10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ito ay dahil umano sa “obscene act” ng dalawa sa pagsubo nila ng icing ng cake sa “Isip Bata” segment ng It’s Showtime noong July 25.
Sa ipinost na larawan ng SMNI News ng joint counter-affidavit nina Vice at Ion ay mababasa ang kanilang paliwanag sa insidente at ang hiling na ma-dismiss ang kaso.
“Having established that our act of licking the icing of a cake off our fingers is not considered an obscene or an immoral act, the criminal complaint for violation of Article 201 of the Revised Penal Code filed against us must be DISMISSED,” ang bahagi ng kontra-salaysay.
Ayon sa abogado ng KSMBPI na si Atty. Mark Tolentino, pag-aaralan nila ang counter affidavit ng kabilang kampo at saka sila gagawa ng sagot ukol dito.