Richard

Pagtatapos ng ‘The Iron Heart,’ ’di pa nagsi-sink-in kay Richard

October 3, 2023 Ian F. Fariñas 259 views

JakeUNTI-UNTI pa lang nagsi-sink-in kay Richard Gutierrez ang nalalapit na pagtatapos ng top-rating action series na The Iron Heart sa Kapamilya network.

Sa katatapos na finale mediacon ng programa, sinabi ni Chard na kahit marami silang hirap na pinagdaanan sa pagbuo ng The Iron Heart nu’ng umpisa ay masaya siya at ang buong cast pati na ang tatlo nilang direktor na patuloy na tumataas ang ratings nito at sinusubaybayan ng manonood sa free TV man o online.

“We’re very happy, we’re very proud na tumagal nang ganito katagal ang The Iron Heart and now patuloy pa rin ang pagtaas ng ratings, patuloy pa rin ang pagsubaybay ng mga manonood. At parang patuloy pang tumataas ang ratings ngayon kaya itong presscon namin is a surprise presscon to announce Season 3,” biro niya.

Mabilis namang bawi ng aktor, “Hindi, papahinga muna kami lahat.”

Sa huling tatlong linggo nga nito sa ere ay nakapagtala ang show ng viewership na humigit 400,000 live concurrent views.

Consistent din ito sa pagtre-trend sa social media kasabay ng nalalapit na pagtatapos.

Patuloy ni Chard, “We started in an uphill battle, against all odds, and yet nandito kami ngayon ina-announce ang last three weeks after one year of doing this project. Maraming salamat sa suporta ng manonood, ABS-CBN at Star Creatives. We all worked hard for this, and we happy to announce that we are ending Iron Heart on a high note.”

Proud din ang co-star niyang si Jake Cuenca na sa kabila ng kanilang kinaharap na pagsubok ay nagbunga naman ang kanilang paghihirap.

“We had a humble start and nag-climb and climb ang show. Sa tuwing nakakakita ako na tumataas ‘yung views, nakaka-proud kasi we really worked hard for that,” ani Jake.

Sa nalalabing mga araw, mas lalo pa raw dapat kapitan ang serye dahil sinisiguro nilang ikakagulat ng manonood ang mga pasabog nilang eksena.

“We shot the tail end of the show and natuwa rin kami sa ending ng show. Expect fireworks, and we are going to give our best. I think it is going to surprise a lot of people,” kwento ni Chard.

Mula nang inilunsad ang serye, labis na sinubaybayan ng manonood ang journey ni Apollo (Richard) kaya naman umabot na sa lampas 600,000 milyon views ang serye sa lahat ng social media platforms.

Umani rin ng maraming papuri ang mga eksena at stars ng serye dahil sa pagpapalabas nito ng hitik na hitik na aksyon scenes na pwedeng makipagsabayan sa ibang bansa at ang pagsulong nito ng women empowerment sa pagpapakita na kaya rin makipagsabayan ng kanilang babaeng characters sa umaatikabong fight scenes.

Sa nalalapit nitong pagtatapos, isang digmaan nga ang dapat abangan sa pagitan ng Tatsulok at Altare.

Tunghayan din kung paano pa rin pipiliin ni Apollo ang mas ikakabuti ng marami habang pinipigilan ang kasamaan ni Eros.

Abangan ang nalalabing episodes ng The Iron Heart, tuwing Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng FPJ’s Batang Quiapo sa A2Z, TV5, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC at TFC IPTV.

AUTHOR PROFILE