Default Thumbnail

Kampanya vs “rice smuggling”  lalo pang pinaigting ng BOC

September 24, 2023 Vic Reyes 564 views

Vic ReyesGALIT na galit si Pangulong Marcos sa mga ismagler ng mga produktong agrikultura, lalo na ang bigas na siyang pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Sa isang talumpati sa General Trias City sa Cavite noong Biyernes ay matinding binanatan ni Pangulong Marcos ang mga ismagler at hoarder ng bigas sa bansa.

Ang okasyon ay ang pamimigay ng mga kumpiskadong bigas sa mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mga 1,200 sako ng bigas ang ipinamigay ng DSWD sa mga mahihirap na residente ng General Trias City.

Ang bigas ay parte ng 42,180 sacks of smuggled rice na kinumpiska ng mga operatiba ng BOC sa raid sa isang warehouse sa Zamboanga City kamakailan.

Bilang tulong sa mga mahihirap, may programa ang gobyerno, sa pamamagitan ng BOC, na i-donate na lang sa DSWD ang mga nakukumpiskang produkto.

Ang iba naman, kagaya ng mga ipinagbabawal na gamot at sigarilyo, ay sinisira. Samantalang, ipinagbibili sa pamamagitan ng tinatawag na public auction para makalikom ng pera ang ibang produkto.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang mga hoarder at ismagler ang siyang tunay na dahilan kung bakit biglang tumaas ang presyo ng bigas sa lokal na merkado.

Sinabi pa ni Marcos na sila ay takang-taka sa biglang pagsipa ng presyo dahil sapat naman ang supply ng bigas at wala namang nangyayaring panic-buying.

Pagkatapos ng kanilang imbestigasyon ay nalaman nilang itinatago pala ang mga bigas. Pati nga mga kontrabandong bigas ay itinatago din ng mga ismagler sa mga bodega.

Kaya naman lalong pinaigting ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang kampanya laban sa ismagling, partikular na ang bigas at ibang mga produktong agrikultura.

Pinaigting din ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang pagmanman sa mga bodega para matukoy kung saan-saan itinatago ang mga bigas.

Marami ang umaasa na hindi magtatagal at mag-i-stabilize na ang presyo ng bigas sa Pilipinas dahil siguradong mapipilitan ang mga hoarder na ilabas ang kanilang imbak na bigas.

Alam nilang matutunton ng mga otoridad kung saan nila itinatago ang mga bigas hindi lang sa Metro Manila kundi sa ibat-ibang parte ng bansa.

Hindi lang kukumpiskahin ang kanilang mga hoarded rice, kakasuhan pa sila ng kriminal sa korte. Kapag guilty, baka mabulok sila sa kulungan.

Sana tumulong na ang mga ordinaryong kababayan natin at mga opisyal ng barangay sa isinasagawang nationwide anti-smuggling at anti-hoarding operations.

Malaki ang maitutulong ng mga ito dahil alam nila ang mga bodegang ginagamit na taguan ng mga hoarded at smuggled agricultural products.

Kahit hindi magpakilala ang mga tipster. Bahala na ang mga operatiba ng BOC, pulisya at National Bureau of Investigation (NBI), ibigay lang ang address ng mga bodega.

Kayang-kayang i-surveillance ng mga “eagle-eyed” na intelligence officers ang mga warehouse.

Hindi ba, Pangulong Marcos at Commissioner Rubio?

***

Dapat regular na magpa-press conference ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) tungkol sa ginagawa nilang paghabol sa vote-buyers.

Marami ang aminado na talamak ang bilihan at bentahan ng boto.

Hindi mawawala ang korapsyon sa gobyerno hangga’t nandiyan ang mga opisyal na produkto ng vote-buying. Kapag nanalo ang isang vote-buyer ay siguradong babawiin niya ang kanyang ginastos.

Ang problema lang ay makukulong din ang mga botanteng sinusuhulan.

Dahil dito ay mahihirapan ang gobyerno na patigilin ang vote-buying dahil walang aamin na botante na siya’y nagbenta ng boto.

Dapat mag-isip tayo ng iba pang paraan para matigil na ang masamang gawain tuwing may eleksyon.

Panahon na para ituro sa mga paaralan, lalo na sa high school, ang mga masamang epekto ng vote-buying at vote-selling sa kinabukasan ng ating bansa

Maraming matitino at magagaling na kandidato ang walang pag-asang manalo sa eleksyon dahil wala silang perang pambili ng boto.

Ang nananalo ay ang mga maperang kandidato na wala namang alam sa pamumuno. Ang tanging alam ay bumili ng boto ng mga botanteng ang hangad ay pera.

Hindi talaga aasenso ang isang bayan na ang mga namumuno ay mga produkto ng vote-buying.

GISING NA TAYO MGA KABABAYAN KUNG GUSTO NATING MAWALA ANG KORAPSYON SA GOBYERNO.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE