Default Thumbnail

Babala sa mga ismagler!

September 17, 2023 Vic Reyes 339 views

Vic ReyesBABALA ito sa mga nagpupuslit ng iba’t ibang produktong agrikultura, lalo na ang bigas, sa bansa na kung saan mainit ngayon ang usapin ng tumataas na presyo ng halos lahat mg bilihin at serbisyo.

Hindi lang kukumpiskahin ng mga otoridad, sa pangunguna ng Bureau of Customs (BOC), ang inyong mga kontrabando kundi kakasuhan pa kayo ng ismagling sa korte .

Kung mapapatunayang lumabag kayo sa ating mga batas ay siguradong makukulong kayo.

Kamakailan nga ay naglabas ang BOC-Port of Zamboanga ng isang forfeiture order laban sa nakumpiskang 42,180 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42 milyon.

Ang nasabing mga bigas ay kinumpiska ng mga operatiba noong inspeksyunin nila ang isang bodega sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City.

Ang inspeksyun ay isinagawa sa bisa ng Letter of Authority na inisyu ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Inayudahan ang mga operatiba ng BOC ng Philippine Coast Guard (PCG), Task Force Aduana at Marine Battalion Landing Team.

Pagkatapos ng pansamantalang pag-padlock sa nasabing bodega ay nag-sumite ang representante ng may-ari ng warehouse ng iba’t bang import documents.

Wala palang “Sanitary and phytosanitary Import Clearance” galing sa Bureau of Plant Industry ang kumpiskadong bigas na nagkakahalaga nga ng P42 million.

Isa pa, “the proof of payments submitted referred to a shipment of “white rice 15% broken,” while the seized sacks of rice contained “Jasmine Fragrant Rice.”

Kaya naman noong Setyembre 1 ay naglabas ang Port of Zamboanga, na pinamumunuan ni District Collector Arthur G. Sevilla Jr., ng order of forfeiture laban sa nasabing bigas.

Ang shipment ay lumabag umano sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Rice Tariffication Law, at Republic Act 10845 o “The Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Mabuti na lang at agresibo ang mga taga-BOC sa kampanya laban sa ismagling na iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong ” R. Marcos Jr. pag-upo niya sa Malakanyang.

Alam kasi ni Pangulong Marcos at Customs Commissioner Rubio na pahirap sa taumbayan, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda, ang agricultural smuggling.

Tuloy lang ang laban sa mga ismagler.

***

Sa linggong ito, isa na namang “big-time oil price hike” ang bubunuin ng taumbayan.

Ayon sa mga kompanya ng langis, sisirit sa P1.70 hanggang P2 sa kada litro ang itataas sa presyo ng gasolina, habang sa diesel ay aabutin ng mula P2.30 hanggang P2.60 ang kada litro ang pagtaas.

Ang kerosene naman na gamit ng mga ina ng tahanan at ibang nagluluto ng ulam at pagkain ay tataas mula P2 hanggang P2.30 sa kada litro.

Talagang pahirap sa taumbayan, lalo na sa mga mahihirap sa buong bansa, ang madalas na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.

Wala naman tayong magagawa dahil naka-depende tayo sa imported energy.

Ang kailangan natin ay maghanap ng oil deposits sa West Philippine Sea at ibang lugar sa bansa para hindi na tayo umasa sa mahal na imported petroleum products.

Dapat simulan na natin magsagawa ng oil exploration sa WPS na inaangkin ng China.

Tama ba kami, mga manong at manang?

***

Sa mga susunod na araw ay inaasahang bababa na ang presyo ng bigas sa bansa.

Okay naman ito. Kaya lang ang kawawa dito ay ang milyung-milyong magsasaka na umaaray na sa taas ng tinatawag na production costs.

Sana naman magawan ng paraan para maibaba ang presyo ng gasolina, abono, pestisidio at iba pang gamit sa bukid.

Kailangan namang kumita ng maayos ang mga magsasaka at mangingisda para hindi nila iwanan ang pagsasaka at pangingisda.

Kung hindi kasi tataas ang kinikita nila sa bukid ay baka maghanap na sila ng ibang pagkakitaan sa Metro Manila o mag-abroad na lang para mapag-aral naman nila sa kolehiyo ang kanilang mga anak.

Dapat ang mga nagtatrabaho sa bukid ang makinabang ng husto sa kanilang mga pinanghirapan.

Hindi ang mga negosyante na walang ginawa kundi baratin ang ani ng mga kawawang magsasaka.

Tama ba, Finance Secretary Benjamin Diokno?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE