Posas

ARAB NAT’L ‘MINOLESTIYA’ PASLIT, HULI

September 15, 2023 Melnie Ragasa-limena 392 views

DINAMPOT ng pulisya ang isang Arabo matapos umanong molestiyahin ang isang taong gulang na anak na babae ng kaniyang kasintahan at pinilit pa umano ng suspek na pagamitin ng droga ang ina ng bata sa loob ng isang motel sa Quezon City.

Ang suspek ay nahaharap sa mga kasong acts of lasciviousness in relation to Republic Act (RA) No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act; possession of dangerous drugs na nakasaad sa Section 11 ng RA 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; at resistance and disobedience to a person in authority.

Kinilala ang suspek na 49 taong gulang at isa umanong retiradong pulis sa United Arab Emirates.

Sa report ng Masambong Police Station 2, nangyari ang insidente ala-sais ng gabi sa isang kuwarto ng isang motel sa Barangay Bungad, Quezon City.

Nasa bansa umano ang suspek para sana magbakasyon.

Ayon sa kasintahan ng suspek, pinilit umano siya ng suspek na gumamit ng droga na kaniya namang tinanggihan.

Hindi pa nakuntento ay nakita umano niya na hinihipuan ng suspek ang kaniyang isang taong gulang na anak na babae.

Agad na tumawag ng tulong ang ina ng bata sa pulisya dahil sa nangyari.

Ayon sa pulisya ay naaktuhan pa umano nila ang suspek habang hawak ang hinihinalang shabu at drug paraphernalia.