Default Thumbnail

Kapag pulis ang naging kriminal

September 4, 2023 Allan L. Encarnacion 542 views

Allan EncarnacionMarami naman akong matitinong pulis na kaibigan pero karamihan ay nagretiro na.

Mayroon din namang ilan-ilang na active pa sa serbisyo pero matitino rin naman.

Bakit ba natin natalakay ang isyu ng pulis na naman? Sa totoo lang, ang laki ng problema ng bansa sa mga siraulo, walanghiya at mga bugok na alagad ng batas.

Ang serye ng mistaken idetity sa Navotas, sa Rizal, ang pagkakahuli ng isang toneladang shabu sa isang sarhento, ang pagkakasangkot ng ilan sa PDEA, ang pagkakadiskubre ng paggamit ng illegal drugs ng chief of police at ang patuloy na pagdami nila ang gumagambala sa kaayusan ng bansa.

Kapag ang mga nasa civilian agency ang nagloko, hindi masyadong ramdam dahil karaniwan ay tahimik nilang tinitira ang pondo ng kanilang opisina. Pero kapag ang nakauniporme, may tsapa at may baril ang naging kriminal, maraming apektado, nararamdaman sa kalsa hanggang sa loob ng ating mga tahanan.

Halimbawa na lamang ay ang patuloy na paglaganap ng mga illegal drugs. Hindi naman talaga ito mangyayari kapag hindi gusto ng mga tiwaling pulis. Alam nila ang source ng illegal drugs, kilala nila kung sinu-sino ang drug lord at alam nila kung sino ang mga stiker nito sa kalsada.

Hindi natin maisip kung bakit may pulis na kayang protektahan ang sindikato ng droga or maging drug lord na rin kahit alam nila kung ano ang epekto nito sa mga gumagamit. Tapatan tayo, wala namang matinong adik at wala ring tao ang nasa matinong pag-iisip kapag nakagamit na ng droga. Ituro nyo sa amin kung sino ang drug addict na matino at sasabihin naman namin sa iyo na kailangan ka na rin patingnan sa mga dalubhasa.

Iba ang karakter ng mga sugapa sa droga, marami itong kayang gawin na hindi niya magagawa kung wala siya sa impluwensiya ng illegal drugs. Kapag high na siya, kaya niyang gahasain ang sanggol, kaya nitong gahasain at patayin ang kanyang lola, kaya nitong pumasok sa bahay nang bahay para magnakaw, gasahin at imasaker ang buong pamilya. Kaya rin ng adik ang tumayo sa isang kanto para abangan ang mga dalagang pauwi upang hatawin ng adobe sa ulo at gahasahin kahit wala nang buhay.

Paano nasisikmura ng mga tiwaling pulis ang ganitong senaryo sa ating komunidad? Wala ba silang mga anak, kapatid, magulang, mga kamag-anak at mga kaibigan na posible ring mabiktima ng mga gumagalang drug addict sa ating mga kaslada?

Itong ginagawa ng NCRPO na mandatory drug test sa ating mga pulis ay malaking bagay para sa kapanatagan ng ating mga isip. Dapat nga itong isagawa sa buong bansa para itiwalag agad ang mapapatunayang gumagamit ng illegal drugs. May mga pulis nga sa sagad sa buto ang pagkawalanghiya kahit hindi nagdodroga, iyon pa kayang parak na adik?

Maraming nagpapanukala na itrato ang paggamit ng illegal drugs bilang health problems. Okey fine, pero paano mo itituring na health issue kung ang gumon ay pumatay at gumagahasa na ng ating mga kababaihan at mga kabataan?

Kaya nga natin dinadakip ang mga nahuhuli sa aktong sumisinghot ng shabu dahil krimen ang pagtingin dito ng batas! Kung health issue lang ito, sana pagkahuli sa kanila ay dalhin sa rehabilitation center at turuang maging mabuting Kristiyano.

Ilang buwan na lamang mananatili si General Acorda bilang PNP Chief dahil malapit na rin siyang magretiro. Umaasa tayong ang maiwanan niyang legacy ay iyong PNP na nabawasan ng kahit 10% na bugok na sakit ng lipunan. Walisin nyo na sa inyong hanay ang mga yan para maiwanan ang matitino na handang maglingkod at isakripisyo ang sarili para sa bayan.

Patuloy tayong umaasa na ang bansa ay may pag-asang makatikim pa ng mga mabubuti, karespe-respetong pulis na puwedeng maging inspirasyon ng mga kabataan sa dakilang paglilingkod sa mamamayan.

[email protected]