
2 sugatan, 150 pamilya nawalan ng bahay sa Zambo fire
DALAWA katao ang nasugatan habang 150 pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa matinding sunog na sumiklab Linggo ng gabi sa Zamboanga City.
Batay sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, (CDRRMO) nagsimula ang sunog dakong 8:30 ng gabi sa Barangay Canelar, Zamboanga City.
Mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang mga bahay ng biktima na gawa sa light materials.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog at tuluyang naapula sa tulong ng 10 bumbero na rumesponde.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga nawalan ng bahay sa tatlong evacuation sites na matatagpuan sa covered courts sa Cenelar at Camino Nuevo gayundin sa compound ng kapilya ng Iglesia ni Cristo.
Inatasan naman ni Mayor John Dalipe ang city government na tulungan ang mga nasunugan at ibigay ang kanilang mga pangangailangan.
Hindi pa alam ang pinagmulan ng apoy, ayon sa mga imbestigador.