Sherwin Gatchalian

ERC gustong bigyan ng sariling charter ni Gatchalian

August 19, 2023 Camille P. Balagtas 228 views

NAIS ni Sen. Sherwin Gatchalian na magkaroon ng sariling charter ang Energy Regulatory Commission (ERC) para dagdagan ang kapangyarihan nito sa pagtugon sa mga isyu sa industriya tulad ng pagkaantala ng mga proyekto ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nakakaapekto sa suplay ng kuryente.

Bagama’t natanggap na ng ERC ang sagot ng NGCP sa mga sinasabing pagkaantala ng pagpapatupad ng ilang transmission projects nito, ang mga isyung tulad nito ang nagtulak kay Gatchalian na maghain ng Senate Bill no. 487, o An Act Enhancing The Governance Structures Of The Energy Regulatory Commission.

Sa oras na maisabatas, magbibigay ito sa ERC ng mas malawak na kapangyarihan para ma-regulate nang maayos ang iba’t ibang stakeholder sa sektor ng enerhiya.

“Nabuhay ang ERC dahil sa EPIRA (Electric Power Industry Reform Act of 2001). Kung babasahin mo ang EPIRA, marami pang kailangang ayusin kaya’t tututukan ko ang pagbalangkas ng ERC charter,” ani Gatchalian.

Ayon sa senador, nakausap na niya sila Energy Secretary Raphael Lotilla at ERC Chairperson Monalisa Dimalanta at nagkasundo ang dalawa na pag-aralang mabuti ang kapangyarihan ng ERC.

Nauna nang nanawagan ang vice-chair ng Senate Committee on Energy sa ERC na parusahan ang NGCP dahil sa kabiguan nitong makumpleto ang transmission projects sa takdang oras, na humantong sa pagkagambala ng suplay ng enerhiya sa bansa.

Ayon sa ERC, 66 ang transmission projects sa iba’t ibang lugar sa bansa ang naantala.

Isa na rito ang Mindanao-Visayas interconnection project na nakatakda sanang matapos noong 2019. Pero dahil sa pagkaantala ng proyekto, itinakda na lang itong maging operational ngayong taon.

“Ito ang isa sa mga pinaka kritikal na proyektong pang imprastraktura dahil mayroon tayong sobrang kuryente sa Mindanao na humigit kumulang 200 hanggang 400 megawatts na maaaring maihatid sa Visayas,” aniya.