Posas

5 naligtas sa human trafficking; 2 suspek laglag

August 17, 2023 Zaida I. Delos Reyes 474 views

LIMANG biktima ng human trafficking ang nailigtas habang dalawang suspect ang naaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang operasyon sa Batangas Port.

Batay sa ulat ng PCG, nailigtas dakong 4:00 ng hapon sa Batangas Port ang mga biktima na lulan ng isang RoRo passenger vessel.

Galing ang barko sa Culasi Port sa Roxas City patungopng Batangas Port.

Nakatanggap ng impormasyon ang PCG hinggil sa mga biktima ng human trafficking mula Roxas City patungong Batangas City kaya agad na ikinasa ang operasyon.

Nakipag-ugnayan ang PCG sa dalawang on-duty sea marshals gayundin sa kapitan ng barko para ma-monitor ang kanilang kinaroroonan.

Pagdating sa Batangas Port, agad na inaresto ang dalawang suspek at nasagip ang limang biktima.

Agad na itinurn over sa Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Desk sa Batangas City ang mga suspek at biktima para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.