Firetruck SINUYOD – Ang fire truck na umararo sa mga biktima matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito habang reresponde sana sa sunog sa Tondo, Manila.

Fire truck inararo mga tao, 1 dedo

August 15, 2023 Jonjon Reyes 397 views

PATAY ang isang senior citizen at isa pa ang kritikal habang may pito pang nasugatan nang araruhin sila ng isang rumespondeng fire truck sa sunog sa Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Violita Ferrer Estabillo, 62, vendor at residente ng Albuquerque Street, Tondo sa Maynila.

Isa pang senior citizen na nakilalang si Irene See Ang, 67, ang malubhang napuruhan sa pagararo ng fire truck. Siya at ang ibang sugatan ay kasalukuyang ginagamot sa Mary Johnston Hospital, habang ang iba naman ay nakauwi na matapos masuri ng mga mangagamot.

Binabagtas ng Firetruck Smokey Pumper 125 na may plakang NBL 8773 ang kahabaan ng westbound lane ng P. Herrera 1st Street, malapit sa kanto ng Albuquerque Street sa Tondo nang biglang mawalan ng kontrol at araruhin ang mga biktima.

Sa imbestigasyon ng Manila Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District, nangyari ang insidente 5:30 p.m. kahapon ngunit naitawag na sa kanilang tanggapan pasado alas-7 ng gabi nitong Lunes.

Ayon sa salaysay ng driver na si Rodolfo Catindig Pineda, 27-anyos, may iniwasan siya umano ng kanyang minamanehong fire truck na mga tent na nakatayo sa kalsada sa kahabaan ng nasabing lugar. Huli na nang kabigin nito ang manibela at aksidenteng nagtuluy-tuloy at sinuyod ang mga biktimang nakatayo sa kalsada.

Dahil sa bigat ng dala nitong tubig at bilis umano ng pagabante ng truck, bumangga ito kay Estabillo kung saan napaabante pa ito ng ilang metro hanggang humampas sa sahig at sumalpok sa poste ng kuryente ang nasabing truck.

Agad namang isinugod sa iba’t ibang ospital any mga nasaktan ngunit si Estabillo ay binawian din ng buhay habang inoobserbahan sa Jose Reyes Hospital, dahil sa tinamong pinsala at sugat sa katawan dahil na rin sa kanyang edad.

Ang mga sugatan ay sina Reynaldo Ventua, 61, vendor na taga-1077, at Katrina Catungal, 8, residente ng 1073 na pawang taga-Albuquerque Street; Harem Bautista, 21; Gabriel Bautista Yap, 14; Audrey Mae Ongoco, 16; Josh Benjamin Villanueva, 20, na mga residente ng 630 Padre Herrera Street, Tondo; at Jocelyn Lubo, 52, ng 644 Lorenzo Chacon Street sa Tondo.

Nasa himpilan naman ng Manila Traffic Enforcement Unit ang driver na si Pineda at maaaring harapin nito ang kasong vehicular accident resulting in homicide at physical injuries.

AUTHOR PROFILE