
Pagtaas ng presyo ng kape, labis na ikinababahala ng mga maralita
KAPE ang pangunahing paborito ng mga Pinoy sa almusal kaya’t kahit ano pa ang estado sa buhay, mayaman o mahirap, hindi nawawala ang kape sa kanilang hapag kainan, hindi lamang sa almusal kundi maging sa siesta o pgkatapos ng pananghalian..
Karamihan pa nga, paggising pa lang sa umaga ay kape kaagad ang hinihigop ng marami kaya kahit saang lugar na may sari-sari store, pondohan at iba pang tambayan, hindi nawawala ang nagbebenta ng kape.
Sa ngayon, pinakamura ang P10 kada isang baso ng kape, pero karamihan ay umaabot na sa P15 kada baso nang tumaas noon ang presyo ng asukal.
Kaya ngayong humihirit ng dagdag presyo sa kanilang produkto ang mga manufacturer ng kape, gatas, at maging sardinas, umaangal na ang maraming Pinoy, lalu na yung mahihirap, dahil ito lamang ang inumin na sa pakiramdam nila ay kapantay nila ang mga mayayaman.
Kasi nga naman, kahit gaano pa kamahal na uri ng kape ang inumin ng mga milyonaryo, kape rin naman ito pagpasok sa sikmura.
Dati kasi, kapag gumalaw ang presyo ng kape, hindi nababahala ang mga maralita dahil kahit binusang bigas nga lang ay puwede na nilang gawing kape. Pero noon iyon, noong mura pa lang ang bigas, hindi tulad ngayon na lagpas na sa P40 ang kada kilo ng bigas sa mga pamilihan.
Hindi naman masisisi ang mga manufacturer na humirit ng dagdag presyo sa kanilang produkto dahil malaki rin ang kanilang gastusin bunsod na rin ng pagtaas ng mga produktong petrolyo kaya tanong nila, paano mabibigyang solusyon ang ganitong problema.
Smart TV, pinakalat sa mga pampublikong paaralan sa Navotas
MASUWERTE ang mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan sa Navotas City dahil hindi lamang sa mataas na kalidad ng edukasyon nakatutok ang lokal na pamahalaan kundi ang maging interesado sila sa kanilang pag-aaral.
Para panabikan nila ang pag-aaral, namahagi ang lokal na pamahalaan ng karagdagang 86 na 55-inch smart TV sa 13 pampublikong paaralan sa elementarya at high school, kabilang ang Bagumbayan Elementary School, Dagat-dagatan Elementary School, Kapitbahayan Elementary School, North Bay Boulevard North Elementary School, San Roque Elementary School, at Tanza Elementary School.
Nabigyan din ng ng smart TV ang Navotas National High School, San Rafael Technical and Vocational High School, Kaunlaran High School, Tangos National High School, Navotas National Science High School, Bangkulasi Senior High School, at Filemon T. Lizan Senior High School.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, umaasa sila na mabibigyan ng mataas na kalidad ng edukasyon ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan na hindi nalalayo sa pribadong eskwelahan.
Noon lang nakaraang taon ay namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng 169 na smart TV na bukod pa sa naipamahagi noong 2018 na 225 at 329 naman noong 2019 na pare-parehong 50-inch..
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]