Chopper BUMAGSAK – Isang R44 Raven helicopter ang nag-crash landing nitong Huwebes sa banana plantation sa Sitio Babahagon, Lantapan, Bukidnon.

Chopper bumagsak sa Bukidnon; 5 sugatan

July 28, 2023 Zaida I. Delos Reyes 370 views

LIMA katao, kabilang ang dalawang piloto at tatlong pasahero, ang nakaligtas at nagtamo ng minor injuries matapos na mag-crash ang isang pribadong helicopter sa isang banana plantation sa Lantapan, Bukidnon.

Nakilala ang mga biktima na sina Carmelo Paras, pilotong si Jared Hoewing, Daria Kiayn, Alan Martinez at Gary Soria.

Batay sa inisyal na ulat, dakong 10:00 ng umaga ay nag-crash landing ang R44 Raven helicopter na ino-operate ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS), matapos na magsagawa ng emergency landing sa Sitio Babahagon sa Lantapan.

Ang helicopter na may registry number na RP-CI89 ay patungo sana sa Mountain View College dakong 9:45 ng umaga nitong Huwebes.

Sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesman Eric Apolonio na hindi umano naghain ng flight plan ang PAMAS kaugnay sa kanilang operasyon, dahilan upang magsagawa and CAAP ng imbestigasyon.

Sa ulat naman ng PAMAS, ang helicopter ay nag-take off sa Larugan airfield sa Valencia City, Bukidnon, kasama ang piloting si Captain Jared Hoewing.

Sa taas na 3,000 feet, nagsimulang mawalan ng power ang helicopter dahilan upang magsagawa ang piloto ng emergency landing sa banana plantation na may layong 5 kilometro mula sa airfield.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.