Default Thumbnail

Suntukan nila Mark Zuckerberg at Elon Musk

June 27, 2023 Allan L. Encarnacion 277 views

Allan EncarnacionGUSTO ko sanang pumusta kay Elon Musk kung matutuloy ang Las Vegas cage match nila ni Mark Zuckerberg kaya lang, nang tingnan ko ang edad nila, parang babalimbing na ata ako.

Si Mark ay ipinanganak noong May 14, 1984, belated happy birthday brod. Si Elon naman ay isinilang noong June 28, 1971, sakto, bday mo pala kahapon Pareng Elon! Wala ba tayong pauga dyan kahit pasyal-pasyal lang sakay ng SpaceX satellite?

Sa edad na 39 si Mark, parang mismatch siya kay Elon na 52 years old na. Pareho silang may martial arts background, jiu jitsu si Mark, samantalang si Elon ay karate, judo at Brazilian jiu jitsu artist.

Maraming sports na ang kalaban ay edad gaya ng basketball, marathon at mga hard competition na gaya ng UFC mixed martial arts match. Bagama’t hindi pa naman masasabing matanda ang 52 at hindi na rin naman masasabing bata pa ang 39. Pero kapag pinagharap mo ang ganitong edad, para na silang magtatay sa agwat.

Ang lamang sa mga mas matanda, mas magulang, iyong bata naman, agility at endurance. Noong nasa edad 20 ako hanggang 40, parang minamani ko lang ang whole court ng basketball games, kahit dalawang dose-dose pa. Parang halimaw ako na walang kapaguran noong mga panahong iyon. Nakakasali pa ako sa mga barangay liga. Lalo na noong mga edad 20, kayang-kaya pang maglaro kahit alas-dos ng hapon sa katirikan ng araw, walang palitan.

Pero noong umedad na sa 30 pataas, ayaw mo na nang mainit na laruan, gusto mong magsimula ang laro alas-4:30 ng hapon para palubog na ang araw. Nabawasan na rin ang paglalaro. Kung dati kaya ang dalawang game na whole court, kapag umeedad ka na, limitado na ang laro, isang whole court ayos na. Pero maingat ka na sa paglalaro.

Iyong edad ni Mark na 39, prime pa yan sa kompetisyon pero hindi siguro para sa hard competition. Lalo na siguro ang 52 years old. Nang tumigil na akong maglaro ng basketball, baka mga 45 years old na ako. Kahit kaya ko pang mag-jogging araw-araw tulad ng ginagawa ko ngayon, hindi na siguro kakayanin ang hard competition na banggaan ng katawan, sikuhan at balhayan sa basketball. Kailangan na ring umiwas mag-basketball dahil baka mabalian ka pa sa edad na 55.

Kaya kung ako kay Elon, huwag na niyang subukang lumaban kay Mark baka diyan pa siya mabaldado sa balugbugan nilang dalawa. Si Mark hindi kalakasan pero tingin ko kakasa yan dahil nga batang di hamak kay Elon.

Sa isang banda, ano pa ba ang gusto nyong patunayang dalawa sa buhay niyo gayong nasa inyo na nga ang billion dollar social media industry? Habang naghahamunan kayong dalawa, nakangisi lang kami.

Ganoon pala mag-away ang mga bilyunaryo, palaging nagpaparinigan at naghahamunan sa media. Baka naman pareho nyong gimik yan? Iyong tipong media hype lang ng away para magharap sa Vegas tapos magbebenta kayo ng tiket para biyak-bunga pa sa kita?

Nagsawa na kaya kaming manood ng suntukan ng mga dukha na konting kibot lang ay nagbubuntalan sa kalsada. Iyong mga kasama nga nila busy sa pagbi-video habang iyong dalawang pobre na ang isa ay walang t-shirt at iyong isa naman gula-gulanit ang damit.

Aabangan talaga namin yan kapag gusto nyo talaga kaming pakitaan kung paano magsuntukan ang parehong maraming pera.

Looking forward din naman kaming makakita ng nagsusuntukan na parehong naka-kurbata!

Lo-diyes, sa wala!

[email protected]