Turla Si P/Cpt. Dennis Turla, MPD Homicide Section chief, habang nagbibigay pahayag kaugnay sa insidente ng pagpapatiwakal umano ng rider. Kuha ni JON-JON REYES

‘Problemadong’ delivery rider nakitang nakabigti

June 20, 2023 Jonjon Reyes 350 views

PROBLEMADO umano sa kinakasama ang sinasabing dahilan diumano ng pagpapatiwakal ng isang 36-anyos na lalaki na delivery rider, matapos madiskubre itong wala nang buhay sa kaniyang bahay sa Sampaloc, Maynila, Lunes ng umaga.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, station commander ng Manila Police District (MPD) Sampaloc Police Station (PS) 4, bandang 6:00 ng umaga, nang madiskubre ng ina ng biktima na nakabitin ang leeg nito gamit ang nylon cord sa loob ng isang kuwarto sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang ina nito sa nakakatandang kapatid ng biktima na isang barangay kagawad sa nasabing lugar.

Agad naman itong nagtungo sa silid saka dali-dali nitong kinalag ang nylon cord na nakapulupot sa leeg ng biktima, subalit wala na itong buhay.

Dumulog naman sa tanggapan ni Villaruel ang mga kamag-anak ng biktima saka inutos ng una na rumesponde ang mga tauhan nito sa pinangyarihan ng insidente.

Kinordon nila ang lugar na kung saan nakahiga na ang biktima matapos kalagin ang pagkakatali sa leeg nito, saka itinawag ni P/Cpl. Ryan Clifford Salazar, duty officer ng Station Tactical Operation Center (PS-4) sa opisina ni P/Cpt. Dennis Turla, hepe ng MPD Homicide Section at isa sa kanyang tauhan ang inatasan sa imbestigasyon.

Dumating rin ang Forensic Unit para mangalap ng ilang ebidensiya.

Sa inisyal na imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima alas-10 ng gabi, Hunyo 18 at kinaumagahan ay hindi ito tumugon sa tawag ng kanyang ina, na napilitang pasukin ang kuwarto nito.

Gayunman, ang bangkay ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Dayao Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.

AUTHOR PROFILE