Default Thumbnail

Igalang na lang ang hatol ng SC

June 18, 2023 People's Journal 438 views

Dong Delos ReyesAaminin po ng inyong imbing Mangkokolum na ang pinakamalaking bulto ng kita ng alinmang munisipyo o siyudad–mula sa amilyar o real estate tax ng mga negosyo at homeowners sa kanilang nasasakupan.

Ito po ang bottomline sa hidwaan ng Taguig at Makati: tagpas ang dating kita ng Makati mula sa homeowners at businesses mula 10 barangay, kabilang na ang maunlad na Bonifacio Global City (BGC).

Sumasang-ayon ang hindi lang iilang taga-Makati na mailipat ang kanilang barangay sa Taguig. Paggalang ito sa ibinabang hatol ng Korte Suprema. Itinakda ng hudikatura na ilipat ang 729-ektaryang BGC saklaw ng Fort Bonifacio Military Reservation, pati ang ilang “Embo” barangays. Tatlong barangay lang ang naiwan sa dating 2nd congressional district ng Makati- ubra nang lusawin pati tipid ang taxpayers sa pasuweldo sa kinatawan nito sa Kamara.

Naungkat kamakailan ang mga sentimyento de asukal o damdamin a la ampalaya hinggil sa naging hatol ng SC sa agawan ng Taguig at Makati,

Ilan sa mga may edad nang nakapanayam ay kapwa nagsabi na ipinanganak na sila sa Makati at doon din mamamatay. Binanggit nila ang mga nakukuhang benepisyo ng seniors sa Makati. Itatago natin ang kanlang mga pangalan para sa kanilang proteksyon.

Para sa isang tindero, ayos sa kanyang pamilya na malipat ng Taguig.

Pahayag naman ng isang negosyante, noon pa siya nakatira sa Makati pero nagdesisyon na ang Korte Suprema kaya dapat sundin ng lahat.

Nag-request lang siya na kung ano ang nakukuha nila sa Makati, ay makukuha din nala sa Taguig.

Sabi pa nga isang Makatizen, mainam na masubukan ang pamamahala ng Taguig kaya pabor ito na maging Taguigeno.

Naguguluhan at nininerbyos naman ang isang ginang dahil sa pagbabago gaya na lang sa ID, address at benepisyo.

Isa sa alalahanin naman ng isang estudyante ng University of Makati sa paglilipat nila sa Taguig ay ang mga benepisyong natatanggap, una na dito ang yellow card.

Nitong Abril 3 ipinalabas ng SC ang final and executory decision nito sa 30-taong boundary dispute ng dalawang LGU. Mas matimbang sa SC ang historical,documentary at testimonial evidences na idinulog ng Taguig.

Nagkaroon na ng Entry of Judgment sa kaso. Batay sa mga umiiral na alituntunin sa hukuman, ang pasya sa kaso na naipasok na sa SC-Book of Entries of Judgements ay hindi na maaaring iapela o irebisa. Ni Dong delos Reyes

AUTHOR PROFILE