Default Thumbnail

Aplikasyon sa insurance claim ng Mindoro oil spill victims, patuloy

June 17, 2023 Jojo C. Magsombol 249 views

ORIENTAL MINDORO – Ang mga claim processor ng Shipowners’ Club Insurance Company ay nakatalaga na para sa mga naapektuhan ng oil spill sa lungsod ng Calapan, kasama ang Insurance Claims Caravan Center at nasa Bids and Awards Committee Office sa Bulwagang Panlalawigan ng Kapitolyo para sa mga natitira pang naapektuhan ng oil spill na hindi pa nakakapagpasa ng insurance claim application form.

Sa kasalukuyan, sinabi ni May Valles, isa sa mga insurance claim processors, na nasa pito nang bayan sa Oriental Mindoro ang nakapag-file na ng insurance claim mula sa mga apektadong barangay na kanilang napuntahan.

Kabilang sa mga bayan na may natanggap nang aplikasyon mula sa mga naapektuhang mangingisda o may trabahong may kaugnayan sa pangingisda ay ang Calapan, Naujan, Bansud, Bongabong, Pinamalayan, Gloria, at Pola.

Maliban sa Pola na kasalukuyan ngayong tumatanggap ng aplikasyon para sa insurance claim na ang center ay matatagpuan sa Auditorium ng Kapitolyo, aniya na nagsasagawa ng pagtanggap ng aplikasyon sa Semirara Island, Antique kung saan kapag natapos ito ay kaagad namang isusunod nila ang mga bayan ng Roxas, Mansalay, at Bulalacao.

Kasama ang isla ng Semirara, sa kasalukuyan ay nasa humigit-kumulang 10,000 application form na ang kanilang natatanggap at pinoproseso.

Sa mga nakakumpleto na ng mga dokumentong kinakailangang attachment sa ipinasang application form at natapos na rin ang assessment at verification sa mga nakalagay sa application form – nagsisimula na silang magbigay ng claim stub na kinakailangan nilang iprisenta kapag nagtakda na ang insurance company ng release ng kanilang insurance claim.

Hiling lamang ng pamunuan ng nag-aasikaso ng insurance claim na maghintay lamang para sa itatakdang petsa para rito.

Sa ilang nagsasabing nagre-release na sila ng inaplayang benepisyo, wala pa nangyayaring pagre-release ng insurance claim dahil itatakda pa lamang nila ito. Kung may natatanggap man ang ibang naapektuhan ng oil spill, ito ay ang cash for work na nagmula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibinibigay naman sa mga nagboluntaryo sa paglilinis ng napadpad na oil spill sa mga dalampasigan ng mga naapektuhang bayan.

Dagdag pa rito, sinabi ni Valles na ikinokonsidera nila at pinag-aaralan ang kahilingan ng Punong Lalawigan na mabigyan na ng kahit paunang bayad ang mga may kumpleto ng aplikasyon partikular ang mga bayang lifted na ang fishing ban.

AUTHOR PROFILE